Operasyong kwari sa isang barangay sa Cagayan de Oro, napatigil
Natulak ng mga residente ng Barangay Bugo, Cagayan de Oro City ang pagpapatigil sa operasyong kwari sa mabundok na bahagi ng Sityo Suntingon na pinanangasiwaan ng isang nagngangalang Genard Abejo. Napahinto ang operasyong sumasaklaw sa 44,111 metro kwadrado o 4.4 ektaryang kalupaan matapos maglabas ng atas ang City Environment and Natural Resources Office para ihinto ito.
Ayon sa lokal na ahensya, nilabag ng kumpanya ang ilang kasunduan at kundisyon na naging dahilan para ipahinto ito. Inilabas ng ahensya ang atas noong huling linggo ng Pebrero. Nakatakdang mawalan ng bisa ang permit ni Abejo sa 2026 na inaprubahan ng konseho ng Barangay Bugo noong 2019.
Itinuring na tagumpay ng mga residente ang pagpapahinto sa kwari dahil naniniwala silang ito ang dahilan ng matinding pagbaha sa kanilang komunidad sa nagdaang mga taon. “Ipinamalas ng pagpapatigil sa operasyon ang kapangyarihan ng determinasyon at hindi nagmamaliw na pagtataguyod sa katotohanan,” ayon kay Ruperto Gonzalo Buscato, residente ng Barangay Bugo, sa panayam ng Bulatlat.
Kabilang sa napaulat na paglabag ng operasyong kwari ang hindi maayos na pagsasagawa sa benching scheme ng kwari na nagresulta sa napakataas na pader na labag sa inaprubahang kasunduan. Mayroon din umanong natagpuan na butas sa erya na mayroong malaking banta ng pagguho.
Liban pa, napag-alaman din ng lokal na ahensya na lumampas sa napagkasunduang saklaw ng kwari ang operasyon. Inatasan din nito ang may-ari ng kwari na magsagawa ng rehabilitasyon sa apektadong erya.
Bago ang pagpapatigil sa kwari, ilang ulit na dumulog si Buscato sa lokal na gubyerno at mga ahensya para kaagad na tugunan ang kanilang kahingian. Dumalo si Buscato sa isang pulong noong Enero sa lokal na konseho ng syudad para ihayag ang pagtutol sa kwari ngunit tila binalewala umano siya ng mga upisyal. Sa kabila nito, nagpatuloy ang mga residente sa kanilang apela at pagtutol.
Ayon sa mga residente, dapat sagutin ng lokal na gubyerno kung bakit napakatagal at ilang panahon pa ang lumipas bago nila “natuklasan” ang mga paglabag ng operasyong kwari sa mga kasunduan. “Hindi pa tapos ang laban,” ayon kay Buscato.
Isinusulong rin ng mga residente sa kasalukuyan ang pagpapatigil sa iba pang operasyong kwari sa kanilang barangay. Itinutulak rin nila ang mga upisyal ng barangay na kaagad aprubahan ang ordinansang nagbabawal sa pagkukwari sa kabundukan at ilog na nasa saklaw ng barangay.