Balita

Operation Gideon's Chariot ng Zionistang Israel, pamatay na dagok sa milyun-milyong Palestino

,

Inianunsyo nitong Mayo ng Zionistang estado ng Israel ang Operation Gideon’s Chariots, isang mayor na planong militar na ang layunin ay pangmatagalang okupahin ang buong Gaza at ikulong ang mga sibilyang Palestino sa iilang “sentro ng ebakwasyon” sa bahaging timog ng engklabo. Isasagawa ng Israel ang kampanya sa balangkas ng doktrinang kontra-insurhensya ng US na clear-hold-build.

Sa konteksto ng Gaza, wala itong ibang kahulugan kundi ang ibayong pang-aagaw ng Israel ng teritoryo ng mga Palestino at pagpapatindi pa sa walang awat na henosidyo. Sa ngayon, tinatayang nasa 1/3 na ng Gaza ang pangmatalagan nang okupado ng mga tropang Israeli. Inilulusot ang ganap na pag-agaw sa Gaza sa tabing ng “pagbawi” ng mga dinakip ng Hamas na mga indibidwal sa Operation Al Aqsa Flood noong 2023.

Ayon sa mga ulat, sisimulan ng Israel ang malakihang ground invasion ng Gaza gamit ang puu-puong libong sundalo matapos ang bisita ng presidente ng ng US na si Donald Trump sa Middle East sa ikalawang linggo ng Mayo at kung walang maabot na bagong kasunduan sa tigil-putukan. Sa ngayon, “inihahanda” na ng mga tropang Zionista ang mga “evacuation center” sa timog na bahagi ng Gaza kung saan ikukulong ang halos 1.5 milyong Palestinian. Absolutong kokontrolin ng mga tropa ng Israel ang mga evacuation center na ito, kabilang ang pagpasok ng ayuda at pagkain.

Mahigpit na kinundena ng United Nations at mga organisasyon sa karapatang-tao ang Operation Gideon’s Chariots. Anila, walang kapantay na krisis at gutom ang ibubunga nito. Ang pwersahang paglilipat ng sibilyang populasyon ng Gaza sa masisikip na evacuation center ay ethnic cleansing at kolektibong pagpaparusa. Sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, ang pwersahang pagpapalayas ng mga sibilyan habang may armadong tunggalian ay isang krimen sa digma, at ang sistematikong paggawa nito ay isang krimen laban sa sangkatauhan.

Binatikos din ng mga grupo ang pagblokeyo at paglimita ng Israel sa pagpasok ng pagkain, ayuda at suplay pangmedikal sa Gaza na nagbunga sa matinding paghihirap ng mga sibilyan. Kinontra nila ang plano ng mga Zionista na ipailalim sa kontrol ng militar nito ang pagdaloy ng ayuda kahit sa itatayong mga evacuation center.

Samantala, anim na bansang European ang tumutol sa plano ng Israel. Sa pinag-isang pahayag ng Spain, Iceland, Ireland, Luxembourg, Norway, at Slovenia, tinawag nila itong “dangerous escalation” o “peligrosong pagpapaigting.” Mariin nilang tinutulan ang anumang matagalang presensya ng Israel sa Gaza na nagsasara sa posibilidad ng solusyon sa hidwaang Israel-Palestine.

Mula Oktubre 2023, umabot na sa 52,495 Palestino ang direktang pinatay at 118,300 ang nasugatan ng pambobomba at pananalakay ng Israel. Halos kalahati ng mga biktima ay mga bata at kababaihan. Tinatayang daan-daang libo pa ang namatay dahil sa gutom, sakit at kakulangan ng pasilidad medikal. Marami rin ang natabunan na lamang ng gumuhong mga gusali at bahay, na hindi na nakita o nahukay dahil sa walang awat na pananalakay ng Israel.

Samantala, umabot na sa antas-sakuna (catastrophic level) ang kagutuman sa Gaza laluna mula Marso kung kailan ipinagbawal ng Israel ang pagpasok ng lahat ng komersyal at makataong ayuda, pagkain, gamot at iba pang batayang pangangailangan. Ang absolutong blokeyo na ito ay nagdulot ng lalupang pagsirit ng malnutrisyon at pagkamatay, ayon sa ulat ng mga makataong institusyon.

AB: Operation Gideon's Chariot ng Zionistang Israel, pamatay na dagok sa milyun-milyong Palestino