Oplan-Sabit at Oplan-Dikit, inilunsad ng KM at NDF-Rizal sa pagsalubong sa bagong taon
Sinalubong ng National Democratic Front (NDF)-Rizal ang pagbubukas ng 2025 ng isang mapulang Oplan-Sabit at Oplan-Dikit (OS-OD) para itanghal ang ika-56 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2024.
Matagumpay na pinangunahan ng Kabataang Makabayan-Rizal ang OSOD sa pakikipagtulungan sa NDF-Rizal at pinapula ng mga rebolusyonaryong panawagan ang lalawigan sa iba’t-ibang bahagi nito. Tampok ang pagsasabit ng makulay at kapansin-pansing balatengga sa mataong sentro ng Antipolo City na naglalarawan sa PKP na “Hindi Magagapi! Mabuhay ang ika-56 Anibersaryo ng PKP!” sa kabila ng itinakdang dedlayn ng rehimeng US-Marcos II, AFP-PNP at National Task Force-Elca na dudurugin at wawakasan na ang CPP-NPA-NDF noong nakaraang taon.
Bukod sa balatengga ay ikinasa rin ang Oplan-Dikit sa pamamagitan ng sticker bombing na naglalaman ng iba’t-ibang panawagang nagtatanghal sa CPP-NPA-NDF, nanawagan sa pagsapi ng mga kabataan at mamamayan sa hukbong bayan, pahingi hustisya para sa lahat ng rebolusyonaryong martir, pagsasalarawan sa 80th IB na berdugo, terorista at mamamatay-tao, at “Digmang Bayan ang sagot sa kahirapan.” Dagdag pa ay ang pag-iiwan sa mga bahay-bahay ng mga polyeto ng “Sampung Dahilan Bakit Mahal ng Mamamayan ang NPA,” na inilathala ng BHB-Southern Tagalong noong nakaraang taon.
Ipinakikita lamang nito at ipinababatid ng NDF-Rizal sa mamamayang Rizaleño na hinding-hindi matatalo ang Demokratikong Rebolusyong Bayan na isinusulong ng CPP-NPA-NDF. Palaging kasama ng mga Rizaleño ang rebolusyonaryong kilusan sa pakikibaka upang kamtin ang pambansa demokratikong interes ng uring inaapi.
Ayon kay Ka Armando “Arms” Guerrero, tagapagsalita ng NDF-Rizal, “Hangga’t nananatiling nakaugat sa puo-puong masa ng lalawigan na pinagsasamantalahan ay hinding-hindi matatalo ang rebolusyonaryong adhikain ng Partido at ng mamamayan. Higit itong lalakas sa suporta ng mamamayan habang mahigpit na tinatanganan ang Kilusang Pagwawasto.”