"Overkill" na operasyon ng AFP sa Quezon, kinundena ng grupo sa karapatang-tao
Kinundena ng Tanggol Quezon ang tinawag nitong “overkill” na focused military operation (FMO) ng 85th IB, 16th IB, at 81st IB sa ilalim ng kumand ng 201st IBde at 2nd ID simula noong Abril 21 sa Quezon. Anang grupo, nagbuhos ng 2,000 sundalo ang Armed Forces of the Phiilippines (AFP) sa apat na barangay lamang sa bayan ng Lopez para sa mga operasyon nito.
“Takot at pangamba ang nararamdaman ngayon ng mga residente dulot ng malaking presensya ng militar sa kanilang mga komunidad,” ayon sa grupo.
Sa natanggap na ulat ng Tanggol Quezon, dinumog ng 2,000 sundalo ang mga barangay ng Cogorin Ibaba, Cogorin Ilaya, Santo Niño Ibaba, at Santa Rosa sa loob ng anim na araw. Noong 2020, naitala sa sensus na nasa 2,504 lamang ang populasyon ng mga barangay na ito. Sinaklaw ng mga sundalo ang kanilang mga kabahayan at sakahan.
Dagdag ng grupo, kabi-kabilang tsekpoynt din ang itinayo ng militar at pulis na nagpapaantala sa kabuhayan, pagsasaka at malayang paggalaw ng mga residente. Anito, humihingi din ang mga militar ng sedula sa lahat ng mga dumadaan sa tsekpoynt. “Banggit ng mga lokal, walang nangyaring oryentasyon nang itayo ang mga tsekpoynt katulad ng nasa Barangay Cogorin Ibaba,” anang Tanggol Quezon.
Gumagamit rin ang AFP ng malalaking tangkeng pandigma sa komunidad na nagdudulot ng pangamba at pagkabalisa sa mga residente. Naiulat rin ng mga residente ang paglalabas-pasok ng maraming bilang ng mga 6×6 na trak ng militar.
Samantala, hinarang at hinaras ng mga sundalo ng 85th IB sa tsekpoynt ang humanitarian team ng Tanggol Quezon na mag-iimbestiga sa kalagayan ng mga komunidad. Kumaharap sa pananakot ang mga lokal, tanod at kagawad ng barangay na inuugnayan ng grupo para sa kanilang imbestigasyon.
Bago pa ang “overkill” na operasyong militar sa nasabing mga barangay ay pamalaigan nang nakahimpil ang mga sundalo ng AFP sa mga kabahayan mula pa noong Disyembre 2024, ayon sa grupo.
Sa harap ng patung-patong na paglabag sa karapatang-tao, nanawagan ang Tanggol Quezon sa lokal na gubyerno ng probinsya na imbestigahan ang malawakang militarisasyon at ganap na palayasin ang mga sundalo na gumagambala sa kaligtasan at kabuhayan ng mga mamamayan.