Pababawas ng taripa sa imported na bigas, inaming inutil sa pagpapababa ng presyo sa merkado
Inamin ng mga upisyal ng National Economic and Development Authority (Neda) kahapon, Disyembre 10, sa isang pagdinig sa Kongreso na hindi naipababa ng pagbabawas ng taripa sa imported na bigas ang presyo nito sa merkado at bagkus ay ibinagsak nito ang pagbili ng lokal na palay.
Ayon sa mga upisyal ng NEDA, bumaba nang 17.8% ang presyo ng bigas mula sa Vietnam mula Hunyo hanggang Oktubre ngayong taon. Pero, inamin nila na napakaliit–1.7% lamang o wala pang ₱2–ng ibinaba ng presyo ng bigas sa lokal na merkado. Ang malala, bumagsak nang 16.8% ang presyo ng pagbili ng bilihan ng palay sa mga magsasaka.
Mula’t sapul, sinabi na ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na hindi ibaba ng dagdag na importasyon ang bigas, mula pa unang isabatas ang Rice Liberalization Act ng rehimeng Duterte noong 2019. Pinalala ito ng Executive Order (EO) No. 62 na inilabas ni Ferdinand Marcos Jr noong Hunyo na nagbagsak sa ipinapataw na taripa sa imported na bigas mula 35% tungong 15%. Ipinagmamalaki noon na magdudulot ito ng ₱5-₱6 pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado. Dapat lalo pa itong mababa dulot ng pagtaas ng halaga ng piso kontra sa dolyar.
Sa kabilang banda, tuluy-tuloy na bumagsak ang presyo ng bilihan ng palay mula nang magsimula ang anihan noong Setyembre. Ayon sa KMP, bumagsak tungong ₱13-₱19 sa simula ng anihan sa Cagayan, Albay, Isabela at Laguna. Lalo itong bumagsak sa kasagsagan ng anihan. Sa Laguna noong Oktubre, nasa ₱15 na lamang kada kilo ang bilihan ng palay. Nang tumama ang bagyong Kristine, dumapa ang kanilang mga pananim at nalubog sa baha ang palay, dahilan ng lalo pang pagbabarat sa presyo tungong ₱10 na lamang kada kilo.
Sa imbestigasyon din sa Kongreso, napag-alaman ring sobra-sobra ang suplay ng bigas sa Pilipinas dahil sa laki ng bolyum ng inangkat. Naging tampulan ng mga tanong ang grupo ng mga importer na tumanggi sa paratang na itinatago (hoard) nila ang suplay para pigilan ang pagbaba ng presyo sa merkado. Gayunpaman, dalawang beses nang napabalita ang pagkatambak ng milyun-milyong toneladang bigas sa mga daungan sa Luzon na sadyang hindi inilalabas noong panahon ng anihan.
Ayon sa Bantay Bigas, sadyang pinahihintulutan ng Rice Liberalization Law at EO 62 ang malalaking komersyante at importer na tumabo ng malalaking tubo sa kapinsalaan ng mga magsasaka, ng lokal na produksyon ng palay at katiyakan sa pagkain.