Pabatid sa pagwewelga, isinampa ng mga manggagawa ng Nexperia

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsampa ng Notice of Strike (NOS) ang mga manggagawa sa ilalim ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) kahapon, Hunyo 26, sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region IV-A sa Calamba, Laguna. Kasabay nito, nagsawaga ng rali ang mga manggagawa sa labas ng upisina ng NCMB.

Nagdesisyon ang unyon na maghain ng NOS dahil sa hindi makataong pagtrato sa pagawaan tulad ng pagtatanggal sa mga upisyal ng unyon, pansamantalang pagtanggal sa mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga prubisyon na nakasaad at napagkasunduan sa Collective Bargaining Agreement.

Kabilang sa mga kaso ng iligal na tanggalan sa Nexperia Philippines ay ang pagsipa sa walong manggagawa noong nakaraang taon kabilang ang tatlong upisyal ng unyon. Sinundan pa ito ng pagtatanggal sa 54 manggagawa noong Marso, habang nakaamba pa ang ilang serye ng tanggalan sa kumpanya sa darating na mga buwan. Pagkalugi ang idinahilan ng kapitalistang Nexperia sa isinagawang tanggalan.

“Hindi makatarungan ang patuloy na paglabag ng Nexperia sa karapatan ng manggagawa sapagkat, mayroong napagkasunduang probisyon sa CBA pero hindi ito sinunod ng Nexperia management bagkus batay sa kanilang criteria ang paraan ng pagtatanggal,” pahayag ng unyon.

Naghapag na ang unyon sa Nexperia ng mga mungkahi sa nagdaang mga buwan para tugunan ang usapin ng tanggalan at ang hindi pagkakasunduan sa pagitan nito, pero hindi ito pinakinggan ng kapitalista. Kaya ganoon na lamang ang paniniwala ng unyon na “isa itong atake sa buo para buwagin ang unyon sa paraan na pagpapahina sa pagtatanggal ng manggagawa.”

Anang mga manggagawa, nagpapatupad ngayon ang Nexperia ng “cost optimization” para sa ipinamamandila nitong pagiging “competetive” ng kumpanya. Sa prosesong ito, sinasamantala ng kapitalista ang lakas paggawa ng manggagawa sa pamamagitan ng pagpapahawak ng maraming makina para mapatunayan ang “redundancy” o nauulit na mga tauhan. Dagdag pa ng unyon, ginagamit ng Nexperia ang hindi unyonisadong mga manggagawa para pag-awayin sa mga kasapi ng unyon.

“Kaya sa suri ng unyon ay para maging competitive ang kumpanya ay magtatanggal ito ng manggagawa hanggang sa durugin ang unyon. Dahil ang unyon lamang ang lehitimong magtatanggol sa batayang karapatan ng manggagawa sa job security, sahod at karapatan sa pagawaan,” pagdidiin nito.

Kaya ipinababatid umano ngayon ng unyon sa kapitalista sa pagsasampa ng NOS na handa itong ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng welga at sama-samang pagkilos. “Magkaisa at tuloy na lumaban para sa sahod, trabaho at karapatan,” ayon pa sa NPIWU-NAFLU-KMU.

Nagpahayag ng pakikiisa ang Kilusang Mayo Uno sa laban ng mga manggagawa sa Nexperia. Hinimok rin nila ang iba pang mga unyon at manggagawa sa bansa na suportahan ang pakikibaka ng NPIWU. “Ang ganitong pakikibaka at tagumpay ay magsisilbing inspirasyon sa buong bayan sa magiting na paglaban gamit ang sandata ng welga!” ayon sa KMU.

Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US.

AB: Pabatid sa pagwewelga, isinampa ng mga manggagawa ng Nexperia