Balita

Pag-aastang siga, taktikang pusit ni Sara Duterte sa pagdinig sa Kongreso, muling binatikos

,

Muling binatikos ng Makabayan Bloc ang panibagong pagmamatigas at paggamit ng taktikang-pusit ni Bise Presidente Sara Duterte sa pagdinig sa House of Representatives kahapon, Setyembre 18. Nakatuon ang naturang pagdinig sa paggasta at paglustay ni Duterte sa pondo ng upisina ng bise presidente sa nagdaang mga taon.

Tumanggi si Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo sa naturang pagdinig. Tulad sa nakaraan, hindi niya sinagot ang mga katanungan at bigla siyang nag-walk-out sa pagdinig. Para sa ACT Teachers Party-list, ang aksyong ito ni Duterte, kasama ang pagliban niya sa mga nagdaang mga pagdinig at pag-iwas sa Kongreso, ay pagtataksil sa ibinigay sa kanyang upisina na tiwala ng publiko at malinaw na pagtalikod sa kanyang pananagutan sa mamamayang Pilipino.

“Nakakadismaya at hindi katanggap-tanggap na muli na namang gumamit ng taktikang pusit si VP Duterte sa halip na harapang sagutin ang mga tanong, laluna ang sa usapin ng confidential funds,” pahayag ng kinatawan ng ACT Teachers Party-list at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Teacher France Castro.

Pagdidiin ni Rep. Castro, ang pagliban ni Duterte at pagtangging ipaliwanag ang ₱125 milyong confidential funds noong 2022 ay nagpapatindi lang sa mga hinala at pagkadismaya ng mamamayang Pilipino.

Dismayado rin dito ang Kabataan Partylist. “Either walk-out, absence, o mga non-answers lang ang dinedeliver ni Sara Duterte sa mga tanong ng taumbayan sa paggastos niya sa confidential funds,” pahayag naman ni Renee Co, bise presidente ng Kabataan Partylist.

Sa harap nito, muling ipinanawagan ni Rep. Castro ang pagbasura sa confidential funds sa lahat ng mga ahensya para makaiwas sa korapsyon at pang-aabuso. “Parehong mga Duterte at Marcos, na may pinakamalalaking bahagdan ng confidential funds sa badyet, ay tumatangging ipaliwanag kung saan napunta ang mga pondong ito,” ayon pa sa mambabatas.

AB: Pag-aastang siga, taktikang pusit ni Sara Duterte sa pagdinig sa Kongreso, muling binatikos