Pag-empleyo ng mga di pasadong nars, di angkop na solusyon

,

Binatikos ng Fiiipino Nurses United (FNU) ang pakana ng bagong kalihim ng Department of Health na si Teodoro Herbosa na mag-empleyo ng mga bagong gradweyt na nars na hindi nakapasa sa nursing board o pagsusulit para sa sertipikasyon ng mga nars.

“Hindi ito angkop na solusyon sa kakulangan ng mga nars,” ayon sa FNU. “Ang daming bagong pasa sa board, ang daming unemployed at nasa non-nursing jobs, bakit di natin sila i-hire (kunin)?”

Mayroong 951,105 rehistradong nars ngayon sa Pilipinas, pero 509,297 lamang sa kanila ang “aktibo.” Sa bilang na ito, 316,415 na ang nangibang bansa. Sa halip na engganyuhin na manatili sa bansa, inilalako pa sila ng Department of Migrant Workers sa pagsasabing mayroong “malaking demand” para sa mga Pilipinong nars sa Austria, Canada, Germany, Japan, Saudi Arabia, Singapore, at US. Isa sa mga dahilan kung bakit “in demand” ang mga Pilipino nars ay dahil sa kanilang kasanayan sa wikang Ingles.

Sa datos ng Department of Health, kailangan mag-empleyo ang bansa ng dagdag na 127,000 nars. Nasa 10,635 lamang ang bagong gradweyt na nars taun-taon, kaya di agad na mapupunan ang kakulangan.

Sagot ng FNU, kung ang inalala ni Herbosa ay ang pagkaubos ng mga nars sa Pilipinas, dahil sa kanilang pangingibang-bansa, marapat lamang na itaas ang sahod ng mga nars para di sila umalis.

“Bigyan niyo kami (mga nars) ng dahilan para manatili sa bansa,” anila. Iginiit ng mga nars ang ₱50,000 starting salary o panimulang sweldo ng lahat ng mga nars sa bansa at regularisasyon ng libu-libong kontraktwal na nars laluna sa mga pampublikong ospital.

Sa ngayon, nasa ₱32,000 ang sweldo ng regular na Nurse I sa pampublikong mga ospital. Mas mababa rito ang tinatanggap ng mga kontraktwal. Mas kaawa-awa ang mga nars sa mga pribadong ospital na tumatanggap lamang ng ₱8,000 hanggnag ₱13,500 na panimulang sweldo kahit pa napakamahal ng singil ng naturang mga ospital sa kanilang mga serbisyo.

AB: Pag-empleyo ng mga di pasadong nars, di angkop na solusyon