Pag-impeach kay Sara Duterte, magpapalakas sa mamamayan
Ikinalugod ng mga progresibong organisasyon ang pag-impeach kay Sara Duterte ngayong araw, Pebrero 5, ng Kongreso.
“Sa pagtutulak at sama-samang pagkilos, paggiit, at pagbabantay ng taumbayan nakamit natin ang paunang hakbang sa pagpapanagot sa katiwalian,” pahayag ng Bayan Muna, na naglunsad rin kanina ng kilos protesta sa harap ng Mababang Kapulungan. Kasabay ng panawagang hatulang nagkasala si Duterte, siningil nila ang rehimeng Marcos sa kainutilan nitong tugunan ang lumalalang korapsyon ng kanyang rehimen.
Tinawag ng Karapatan ang pagpaasa ng resolusyon para sa impeachment bilang “tagumpay” sa mamamayang nakikibaka para panagutin ang mga Duterte at ang kanilang pangkat ng mga lumalabag sa karapatang-tao.
Nagkasa ng parehong protesta ang mga myembrong organisasyon ng Bayan at iba pang organisasyon sa Southern Tagalog sa Cabuyao, Laguna.
“Ang impeachment kay Sara Duterte ay tanda ng lalo pang pagtindi ng hidwaan sa pagitan ng pangkating Marcos at ng mga Duterte,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipino. “Ipinakikita nito ang higit pang paglalim sa pagkakahati-hati sa loob ng mga namumunong reaksyunaryong uri, kung saan nag-aagawan sa mga burukrata-kapitalistang pribilehiyo at kapangyarihan ang mga magkaribal na paksyon at pangkatin.”
“(K)inakailangang higit pang palakasin at palawakin ng mamamayan ang mga aksyong masa upang itulak ang Senado na agad na magtipon bilang impeachment court at simulan ang paglilitis kay Sara Duterte,” aniya.
Bukod dito, palalakasin ng impeachment ang ang loob at determinasyon ng mamamayan para singilin si Marcos mismo sa mas malalaking krimen ng korapsyon sa anyo ng kanyang sariling confidential funds, pork barrel sa anyong ayuda, pagkopo ng pondo para sa Maharlika Fund at pagkopo ng “di nagastos” na pondo ng Philhealth. Dapat ring panagutin si Marcos sa pagpapabasura niya sa mga kaso ng nakaw ng yaman ng kanyang pamilya na nagkakahalaga ng di bababa ₱202 bilyon.
Hindi bababa sa 215 kongresista ang pumirma ngayong araw, Peberro 5, para i-impeach si Vice Pres. Sara Duterte, matapos ang lampas isang buwang pagkabalam. Pinangunahan ng anak ng presidente na si Ferdinand Marcos na si Sandro Marcos ang pag-endorso sa pang-apat na reklamo.
May pitong artikulo ang pang-apat na reklamong impeachment. Pangunahin dito ang “konspirasiya para patayin si Marcos, kanyang asawang si Liza Araneta at ang House Speaker Martin Romualdez.” Ginawa ni Duterte ang banta noong Nobyembre 23, 2024 sa gitna ng pagdinig ng anomalya sa paggastos niya ng confidential funds na inilaan sa kanyang upisina.
Ang iba pang batayan ay ang: korapsyon ng ₱615.5 milyon sa confidential funds; panunuhol at korapsyon sa Department of Education; di maipaliwanag na yaman at kabiguang isiwalat ang kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth; pagkakasangkot sa ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Davao City, mga maniobrang destabilisasyon, kabilang ang pagboykot niya sa State of the Nation Address at pagharang sa mga pagdinig sa Kongreso; at “pangkalahatang kondukta” bilang bise presidente at pangalawang pinakamataas na upisyal ng bansa.
Isinagawa ang botohan sa huling araw ng regular na sesyon ng Kongreso. Sadyang ibinalam ng rehimeng Marcos ang pagproseso sa complaint sa kabila nang may tatlo nang nakahaing complaint. Ang pangalawa rito ay inihapag ng mga progresibong organisasyon at indibidwal at inendorso ng Koalisyong Makabayan.
Dahil lagpas sa sangkatlo ang nakuhang pirma, tulad sa nakasaad sa batas, diretso na itong ipinadala Senado. Tatayong impeachment court ang Senado, at pamumunuan ito ng chief justice ng Korte Suprema. Matatanggal sa pwesto si Duterte kung boboto rito ang 16 (2/3) sa mga senador na aaktong mga husgado sa paglilitis.