Balita

Pag-unblock sa website ng Bulatlat, iba pang mga grupo, muling ipinanawagan

,

Nagpiket ang mga kagawad ng progresibong midya at iba pang grupo sa Quezon City Regional Trial Court noong Marso 27 bilang pagsuporta sa pahayagang online na Bulatlat. Kasabay ito ng muling pagharap sa korte ng Bulatlat kaugnay ng kanilang isinampang kaso para ipa-“unblock” ang kanilang website na iniutos noon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.

Ang website ng Bulatlat, kabilang ang 26 iba pang website ng mga progresibong midya at organisasyon, ay hinarang (“block”) ng National Telecommunications Commission (NTC), dalawang araw matapos itong ipag-utos ni Esperon noong Hunyo 6, 2022, dahil sa paratang na kasabwat ang mga ito ng armadong rebolusyonaryong kilusan.

Sa pamamagitan ng pag-“block,” hinaharang ng estado ang mga Pilipino na gumagamit ng internet na makita ang laman ng naturang mga website.

Noong Enero 21, ibinasura ng korte ang isinampang demurrer to evidence ni Esperon. Sinabi noon ng korte na sapat ang ebidensyang inilatag ng Bulatlat para suportahan ang kaso at itulak ang pagbawi sa atas na i-block ang website.

Sa naging huling pagdinig, wala ni isang ebidensyang iniharap ang mga abugado ni Esperon. Inulit lamang ng kanyang kampo ang ginamit nang testimonya ng mga saksi na ipinakita na dati ng NTC at National Security Council. Ni minsan ay hindi rin tumapak sa korte si Esperon.

Hindi sinagot ng mga pahayag na ito ang idinin ng Bulatlat na isang tahasang pagsesensura ang inilabas na memorandum ng NTC at na labag ito sa kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag na nakasaad sa konstitusyon.

Mayroong 45 na araw ang dalawang partido para maghain ng kanilang memoranda na magsusuma sa kanilang pusisyon. Matapos nito, maglalabas na ang korte ng resolusyon sa kaso.

Matatandaan na naglabas ang korte noong Agosto 16, 2022 ng isang atas na nag-uutos sa NTC na pansamantalang i-unblock ang website ng Bulatlat. Sang-ayon ito sa isinampang ‘writ of preliminary injunction’ ng Bulatlat sa naturang korte.

Ang atas ay inilabas matapos magbayad ng ₱100,000 bond ng Bulatlat kahapon na magiging kabayaran o danyos sa kalabang partido sakaling matalo ang Bulatlat sa kanilang kaso. Ipinagkakaloob ang “writ of preliminary injunction” ng korte sa kahit anong yugto ng ligal na aksyon bago ilabas ang pinal na atas.

Sa mga pagdinig, kinatawan ang Bulatlat ng mga abugado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers. Dumalo sa pagdinig ang mga myembro ng Media Freedom Coalition.

AB: Pag-unblock sa website ng Bulatlat, iba pang mga grupo, muling ipinanawagan