Pagbabalik sa manwal na pagbilang sa susunod na eleksyon, panawagan ng mga tagabantay sa eleksyon
Inirekomenda ng mga kasapi ng International Coalition for Human Rights in the Philippines ang mano-manong pagbilang ng boto sa susunod na eleksyon sa batayang naging madali ang pandaraya sa automated na eleksyon na naobserbahan ng mga tagamasid nito noong nakaraang eleksyon. Ipinahayag ito sa press conference noong Abril 23 ng ipinadala nitong International Observer’s Mission (IOM) para sa Eleksyon 2025.
Ayon kay Lee Rhiannon, dating senador sa Australia, hindi pasado ang eleksyon 2022 sa pamantayan para sa malaya, tapat at patas na eleksyon. “Hindi kapani-paniwala ang deklaradong bilang ng boto dahil sa sobrang bilis ng pagpasa ng resulta ng mga boto- napagkaitan ang mga Pilipinong botante ng akses sa maaasahan na impormasyon, napagkaitan ng lugar sa pagboto na ligtas sa intimidasyon at kapani-paniwalang sistema ng pagbilang sa boto,” aniya.
“Dapat palitan ng manwal na pagbilang ng boto ang vote counting machines para makita sa mga presinto ang resulta ng eleksyon bago maipadala ang resulta sa sentro ng bilangan sa probinsya o sa nasyunal,” dagdag niya.
Babantayan ng IOM ang mga karahasan sa eleksyon, pandaraya, Red-tagging at pagbili ng boto. Babantayan rin nito ang mga posibleng taktika ng disimpormasyon sa mainstream at digital platform, at paglabag sa internasyunal na makataong batas.
Sinang-ayunan ng Kontra Daya ang rekomendasyon ng ICHRP. “Syempre, mas mabagal ang proseso pag bumalik sa mano-manong pagbilang pero mas masusubaybayan ang proseso ng pagbilang ng mga balota ng mga nagbabantay sa eleksyon. Hindi man kasimbilis ng elektroniko na pagpasa ng resulta pero mas sigurado tayo sa resulta,” ayon kay Danilo Arao ng Kontra Daya.