Balita

Pagbasura sa kaso ng mga Pilipinong migrante sa The Netherlands, nakaiinsulto

, ,

Mariing kinundena ng Migrante Netherlands ang desisyon ng Openbaar Ministerie (Public Prosecution Service) na nagsabing walang naganap na pagsasamantala sa kaso ng 11 manggagawang Pilipino na nalinlang, inabuso, at ginawang biktima ng human trafficking ng kumpanyang Saints & Stars Gym na nakabase sa Amsterdam.

Ayon sa grupo, nakagagalit at nakakadismaya ang desisyong ito. Napakalinaw na biktima ng human trafficking ang mga manggagawa batay sa internasyunal na batas at maging sa ilalim ng Palermo Protocol at Dutch Criminal Code (Article 273f).

Ang mga biktimang Pilipinong migrante ay nilinlang at pinangakuang bibigyan ng ligal na papeles at disenteng trabaho sa The Netherlands. Ngunit pagdating nila ay pinagtrabaho sila nang hanggang 12 oras bawat araw nang walang maayos na pahinga. Ipinagsiksikan sila sa masisikip at hindi makataong tirahan. Marami sa kanila ang nakaranas ng pagbabanta, takot, pisikal na pang-aabuso, at pagpapahiya. Ipinagkait sa kanila ang batayang mga karapatan at dignidad na ginagarantiya ng batas paggawa ng The Netherlands at ng mga internasyunal na pamantayan ng karapatang pantao.

“Ang pagtanggi na ang mga manggagawang ay biktima ng trafficking at pagsasamantala ay pagtanggi sa katotohanan kung paano umiiral ang modernong pang-aalipin, laluna sa mga migranteng Pilipino na laging ginagawang biktima ng mga mapagsamantalang employer,” paliwanag ng grupo.

Ang pagbabalewala sa karanasan at tunay na kalagayan ng mga Pilipinong migrante ay mapanganib na mensahe na ang mga migrante, laluna ang mula sa mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas, ay maaring abusuhin at pagsamantalahan nang walang pananagutan.

“Nanawagan kami sa Openbaar Ministerie na muling pag-isipan ang kanilang posisyon at isaalang-alang ang mga testimonya, ebidensya, at mapang-abuso na relasyon na likas sa mga kaso ng trafficking. Hindi maaaring ipagmalaki ng Netherlands na ito’y tagapagtanggol ng katarungan at karapatang-tao habang pinapayagan nila ang pagsasamantala sa mga migranteng manggagawa sa loob mismo ng kanilang bansa,” ayon sa Migrante Netherlands.

AB: Pagbasura sa kaso ng mga Pilipinong migrante sa The Netherlands, nakaiinsulto