Pagbasura sa kasong "terrorism financing" laban sa 6 na aktibista mula sa Cagayan Valley, muling ipinanawagan
Muling ipinanawagan ng mga grupo sa karapatang-tao at Tanggol Magsasaka ang pagbasura sa kasong “terrorism financing” of paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 laban sa anim na aktibista mula sa Cagayan Valley. Sa isang press conference noong Abril 21, idiniin nila na ginagamit lamang ang kaso para gipitin ang mga aktibista at pigilan ang kanilang pakikibaka para sa karapatan ng mamamayan.
Matatandaan na noong Enero 10 ay sinampahan ng kaso sina Jakie Valencia, dating myembro ng National Council ng Karapatan; Isabelo Adviento, dating panrehiyong koordineytor at nominado ng Anakpawis Partylist; Cita Managuelod, koordineytor ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Isabela; Agnes Mesina, Makabayan-Cagayan Valley regional director; Walter Villegas, panrehiyong koordineytor ng Kabataan Partylist; at Deo Montesclaros, aktibistang pangkalikasan at mamamahayag.
Ayon kay Ronnie Manalo, tagapagsalita ng Tanggol Magsasaka at kalihim ng KMP “malinaw na kaso ito ng pampulitikal na panunupil at paghahasik ng takot sa mga organisasyon ng maamamyan at (grassroots movement)”.
Hindi bababa sa 166 na indibidwal ang nakasuhan o tinalaga bilang “terorista” sa ilalim ng Anti-Terrorism Act at TFPSA. Nasa 17 na non-government organization naman, karamihan ay sangkot sa mga gawaing makatao at karapatang-tao, ang naka-“freeze” ang mga akawnt sa bangko dahil sa mga sinampang kaso.
Matatandaang una nang sinampahan ng gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives noong 2024 si Mesina at Villegas. May dagdag ding na kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act si Mesina.
Napawalang-sala naman si Adviento noong Abril 2024 sa parehong mga gawa-gawang kaso at ngayon ay sinampahan ng panibago na namang kaso.
Mariin ding kinundena ng grupo ang nagpapatuloy na red-tagging at malawakang paninira sa mga kandidato sa senado ng Makabayan at mga progresibong partylist sa mga probinsya ng Cagayan Valley. Tinatawag nila itong malawakan at pasistang iskema para siraan at mawalan ng boses ang mga oposisyon tuwing panahon ng eleksyon.
“Nananawagan kami sa mga korte na wag paniwalaan ang mga kasinungalingan ng NTF-ELCAC at ibasura ang mga gawa-gawang kaso. Nananawagan rin kami sa mga nagmamahal sa kalayaan na tumindig at labanan ang tiraniya at ipaglaban ang lumiliit na espasyo para sa demokrasya,” pahayag ng KMP at Tanggol Magsasaka.