Pagbenta ng mga Villar sa PrimeWater, magpapalala sa serbisyo sa tubig
Nagpahayag ng pagkabahala ang Water for the People Netwrok (WPN) sa pagbenta ni Manuel Villar ng PrimeWater Infrastructure Corp. kay Lucio Co. Anito, lalo lamang nitong palalalain ang serbisyo ng tubig ng kumpanya.
Nitong Disyembre, inanunsyo ng mga Villar ang pagbili ni Co sa Primewater. Si Co ay may-ari ng Puregold supermarket. Pagmamay-ari din niya ang Pamana Water Corporation na may 15 joint venture agreement (JVA) sa mga lokal na water district sa Tarlac, Pampanga, Pangasinan, at Nueva Ecija. Tulad ng Primewater, bantog ang Pamana sa pangit nitong serbisyo at matataas na singil. Tulad sa PrimeWater, batbat din ng reklamo ang kumpanya dahil sa palpak na serbisyo. Inirereklamo ng mga konsyumer ang mahina o halos walang suplay ng tubig sa Nueva Ecija, ang madumi o dilaw na tubig sa Tarlac at walang tigil na pagtaas ng singil sa serbisyo sa Pangasinan.
Ang lihim na pagbenta ay kasunod sa sunud-sunod na imbestigasyon sa PrimeWater dahil sa umaapaw na galit ng mamamayan dulot ng palpak at sobrang mahal na serbisyo. Mya 77 JVA ang kumpanya sa local water district sa buong bansa.
“Ang paglipat ng PrimeWater mula sa isang oligarko patungo sa isa pa ay hindi nagbabago sa katotohanan na ang mga nakaasa dito ay patuloy na nagdurusa sa mataas na singil sa tubig, hindi mapagkakatiwalaang suplay, at masahol na serbisyo,” paliwanag ni Leo Espelimbergo, tagapagsalita ng WPN.
“Ang pagbenta sa PrimeWater ay hindi rin nag-aabswelto sa pananagutan sa mga Villar sa deka-dekada nilang palpak na serbisyo. Nararapat na magbigay ng kumpensasyon ang kumpanya sa pamamagitan ng pagbawas o pagpapahinto ng singil, pagbabalik ng pera at iba pang paraan ng pagbayad para perwisyo at pinsalang dinanas ng mga konsyumer,” dagdag ni Espelimbergo.
Ayon sa grupo, ang pagbenta ng negosyo ay naglalantad sa kawalan ng aksyon at kainutilan ng rehimeng US-Marcos na panagutin ang PrimeWater. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring ginagawa ang kumpanya para ayusin ang serbisyo sa tubig sa kabila ng mga imbestigasyon. Pinagpapatuloy lamang ng pagbenta ang pribatisasyon at paglabag sa JVA sa karapatan ng mga konsyumer.
Ayon sa WPN, ang batas sa Public-Private Partnership at nakaraang mga polisiya sa pribatisasyon ay nagbigay daan sa mga kumpanya na kumita ng sobrang tubo mula sa isang serbisyong panlipunan. Nagdulot ito ng sobrang pagtaas ng singil sa serbisyo habang palpak at substandard na imprastraktura at serbisyo ang binibigay nito sa mga konsyumer.
“Dapat tigilan na gubyerno ang pagpahintulot sa malalaking negosyo na gawing palabigasan ang mga pampublikong serbisyo,” giit ni Espelimbergo.
Nananawagan ang WPN para sa agarang pagbabalik ng serbisyo sa tubig sa sa mga LWD, tapusin na ang maanomalyang JVA at wakasan na ang pagsasapribado sa serbisyo sa tubig. Nakiisa din ang grupo sa lahat ng konsyumer at lokal na gubyerno na nagsisikap na mabawi ang kontrol sa kanilang mga water district.