Pagbuwag sa mga monopolyo sa lupa at mga dinastiya sa pulitika, sigaw sa Araw ng Magsasaka
Nagmartsa kahapon, Oktubre 21, ang mga grupo ng magsasaka at ibang demokratikong sektor tungo sa Mendiola, Maynila bilang paggunita sa Araw ng Magsasaka ngayong taon. Sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ipinanawagan nila ang pagtigil sa malawakang pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural, pang-aagaw ng lupa, pagsira sa mga pangisdaan, neoliberal na mga patakaran at importasyon sa ekonomya na pumapatay sa kabuhayan ng mga magbubukid, at militarisasyon sa kanayunan na nagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo mula sa kanilang lupang binubungkal.
Kasabay nito, ipinananawagan nila ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa na mamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal at magtitiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa Mendiola, sinunog ng mga magbubukid ang isang 8-talampakang mapa na naglalarawan ng mga monopolyo sa lupa at mga dinastiyang pampulitika sa Pilipinas.
“Sa kabila ng pagpapatupad ng iba’t ibang programa sa reporma sa lupa—mula PD 27 at ngayon sa New Agrarian Emancipation Act (NAEA) ni President Bongbong Marcos, nananatiling walang lupa ang mga magsasaka at nagpapatuloy ang kahirapan sa kanayunan,” pahayag ni Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng KMP at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Katunayan, nagpapatuloy na nabubundat ang mga panginoong maylupa sa ilalim ni Marcos Jr, aniya.
Kabilang sa ibinigay na halimbawa ni Ka Daning ang napakalawak na saklaw ng Vista Land Properties at dagdag na 11,210 ektaryang deklaradong pag-aaring lupa ng pamilyang Villar; 37,307 ektaryang deklaradong lupa na pagmamay-ari ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang; 25,440 ektaryang lupa ng Ayala Land Inc ng mga Zobel-Ayala; at 102,954 ektarya ng DMCI ng mga Consunji at ang 6,600 ektaryang ekspansyon ng oil palm plantation nito sa Negros. Labas pa rito ang daan-daang ektarya ng mga tradisyuanal na asyenda, komersyal na plantasyon para sa eksport, at iba pang malalawak na lupang hawak ng luma at bagong tipong mga panginoong maylupa.
Idineklara ng mga magbubukid si Marcos na “nangungunang dahilan ng kagutuman” sa bansa, laluna sa harap ng hindi maawat na pagtaas na presyo ng bigas at pagkain. Dagdag na panawagan nila ang kumpensasyon sa mga nasirang pananim na dulot ng mga sakunang dala ng pagbabago sa klima.
Panawagan din nila ang pagtigil sa “de facto na batas militar” sa mga komunidad ng mga magsasaka na nagreresulta sa malawakang paglabag sa kanilang mga karapatan. Iniulat ng Tanggol Magsasaka na sa 105 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos, 72 ay mga magsasaka. Mayorya rin ng 755 detenidong pulitikal ay mga magbubukid.
Nagkaroon na katulad na mga aktibidad sa Tuguegarao City, Cebu City, Iloilo City, Bicol, La Union, Ilocos at Negros.
Sa gabi bago nito, inilunsad ng mga magbubukid, katuwang ang Ibon International, sa University of the Philippines-Diliman ang talakayan kaugnay sa masasamang epekto ng patakaran ng World Bank Group sa Pilipinas. Sa porum na pinakamagatang PandaramBongbong: Imperyalistang tulak ng IMF-World Bank, kinundena nila ang World Bank at International Monetary Fund sa papel nito sa pandarambong sa yaman ng bansa at pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino. Resulta ng mga patakarang ito ang malawakang pagpapalayas ng mga magsasaka at katutubo sa kanilang mga sakahan at lupang ninuno para bigyang daan ang dambuhalang mga proyektong imprastruktura at nakabatay-sa-merkado (o ninenegosyo) na reporma sa lupa.
Sinundan ang talakayan ng isang programang pangkultura.