Balita

Pagbuwag sa sindikato ng bigas at produktong agrikultural nila Marcos at Araneta, panawagan ng kababaihang magsasaka

, ,

Nananawagan ang Amihan Federation of Peasan Women at Bantay Bigas na imbestigahan ang pamilyang Marcos at Araneta, itinuturong utak sa sindikato ng bigas at produktong agrikultural sa bansa. Maliban sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, pinagkakakitaan din nila ang pag-aangkat ng bigas, SOP at remitans sa mga pumapasok na inangkat na bigas. Sila rin ang nagtatakda at nagkokontrol sa mga polisiya hinggil sa imported na sibuyas, asukal at isda.

Nitong buwan, ibinulgar ni Zaldy Co, dating kinatawan ng Ako Bicol Partylist, ang hindi na maitatangging papel ni Lisa Araneta sa ismagling ng bigas, importasyon, kalakalan at presyuhan ng agrikultural na produkto sa bansa. Kaya niyang pahintuin maging ang imbestigasyon sa bigas para hindi maungkat ang relasyon niya sa mga ismagler at importers. Ginamit din niya ang Rice Liberalization Law at liberalisasyon sa agrikultura, upang magmukhang ligal ang kaniyang mga transaksyon.

Patung-patong na ang krimen nila Marcos at Araneta sa mga magsasaka, kababaihan at mga maralita. Biktima na sila ng bagyo at baha, biktima pa sila sila korapsyon sa importasyon at presyuhan. Kailangan silang imbestigahan at panagutin sa kanilang krimen sa taumbayan. Dapat ring managot ang sindikato sa Department of Agriculture na taga-sunod sa kanilang utos at tagatakip sa mga anomalya sa ahensya, paliwanag ng mga grupo.

“Kahit anong pakulo at pambubudol ni Marcos ukol sa isyu ng palay at bigas, klaro pa rin na ang isa sa mga dahilan ng krisis na ito ay ang buong angkan nila. Dapat silang patalsikin dahil wala silang silbi, peste, kriminal at korap,” pahayag ng Amihan at Bantay Bigas.

AB: Pagbuwag sa sindikato ng bigas at produktong agrikultural nila Marcos at Araneta, panawagan ng kababaihang magsasaka