Paggamit ng US ng ayuda sa Gaza para kontrolin ang mga Palestino, kinundena
Hindi suportado ng United Nations ang pamamahagi ng isang ahensyang “makatao” ng ayudang pagkain sa Gaza sa ilalim ng Operation Gideon Chariot ng Israel. Tumanggi itong makipagtulungan sa Gaza Humanitarian Foundation (GHF), isang organisasyong pinatatakbo ng mga Israeli at US, dahil sa kaduda-dudang pagmamay-ari sa kumpanya. Anito, hindi “nyutral” ang grupo, lalo’t pinatatakbo ito ng bansang naninibasib sa sibilyan populasyon. Kinundena nito, at ng maraming bansa at internasyunal na institusyon, ang lalupang paggamit ng Israel at US ng ayuda at pagkain bilang armas laban sa mga sibilyan.
Ang GHF ay binuo ng Israel, katuwang ang US, para “kontrahin” ang Hamas sa pamamagitan ng mahigpit na pagkontrol ng pagkain at ayuda ng mga sibilyan. Mismong ang unang pinuno nito, isang dating US Marine, ay nagbitiw sa pwesto dahil aniya, hindi niya mapaninindigan na magiging makatao, nyutral, impartial at independyente ang GHF.
Ayon sa UN, ikinokompromiso ng GHF ang pagiging patas at malaya na magbibigay ng ayuda sa mga lugar ng labanan, at isasapeligro nito kapwa ang mga manggagawa ng organisasyon at mga sibilyan.
Kita sa unang pagtatangka ng GHF ang hindi organisado na pamimigay ng pagkaing ayuda sa Southern Gaza noong Mayo 26. Ipinagmamayabang ng grupo na nakapamigay ito ng kahon-kahong pagkain, na layuning pakainin ang halos isang milyong Palestino hanggang sa katapusan ng Mayo. Pero marami sa mga dumagsa sa lugar ng distribusyon ay hindi nakakuha ng rasyon, at may mga pagkaing natapon sa lupa at nasayang. Para “kontrolin” diumano ang “gulo,” nagpaputok ng mga warning shot ang mga sundalong Israeli na nagsisilbing gwardya ng GHF.
Kinundena ng UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) ang militarisadong pamamahagi ng pagkain sa populasyong sobra nang desperado para rito, “Nakadudurog ng puso,” ang mga bidyong lumabas sa palpak na distribusyon ng GHF. Iginiit ng UN na mayroon itong estratehiya para sa prinsipyado at sistematikong distribusyon ng pagkain sa mga residente ng Gaza saanman ang kanilang lokasyon. Hindi ito sinunod ng GHF na nagmatigas na mamahagi sa iisang lokasyon.
Liban sa GHF, marami pang ibang pribadong Amerikanong kumpanya ang pumasok na sa Gaza para tumuwang sa mga sundalo ng Israel sa pagkulong sa mga sibilyang Palestino at imilitarisa ang pagbibigay ng ayuda. Ilan lamang dito ang:
1) Safe Reach Solutions: Isang kumpanyang panseguridad, ibig sabihin, itinayo at tinatauhan ng mga dating sundalong Amerikano. Itinatag ng dating upisyal ng CIA na si Philip Raleigh. Nagsisilbing gwardya ang armadong mga tauhan nito sa mga tsekpoynt ng Israel, pag-inspeksyon sa mga sasakyan na pumapasok sa North Gaza. May 100 dating mga sundalong Amerikano ito na “tumutulong” sa pagtiyak ng seguridad sa pamimigay ng ayuda sa lugar.
2) UG Solutions: Isa pang kumpanyang panseguridad na katuwang ng Safe Reach Solutions sa pagpaplano at pagbibigay ng lohistika (armas, etc) at seguridad sa mga tsekpoynt sa Gaza. Nagbibigay din ito ng “seguridad” sa mga lugar ng distribusyon ng ayuda.
3) S.R.S. Security Firm: kumpanyang panseguridad na pag-aari ni Philip F. Reilly, dating mataas na upisyal ng CIA. Nagsimula ito ng operasyon sa Gaza noong nagtigil-putukan. Ang trabaho nito ay manghalughog ng mga sasakyang Palestino at maghanap ng “armas” sa mga ito.
Ang pagpili sa mga kumpanyang ito ay ginawa ng pinakamatataas na upisyal ng Israel, katuwang ang US, nang hindi idinadaan kahit sa kani-kanilang parlamento at kongreso.