Paggawad ng DENR ng "stewardship" ng Verde Island Passage sa tatlong pinakamalaking prodyuser ng maruming enerhiya, kinasuklaman

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kabi-kabilang batikos ang inabot ng desisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ibigay ang “stewardship” o pangangalaga sa Verde Island Passage (VIP) sa tatlong prodyuser ng maruming enerhiya sa bansa. Katuwang ang Department of Energy, ibinigay ito ng kagawaran mga kumpanyang Aboitiz Equity Ventures (AEV) ng pamilyang Aboitiz, Metro Pacific Investments Corp (MPIC) na pinatatakbo ni Manny Pangilinan, at San Miguel Corp (SMC) ni Ramon Ang, mga kumpanyang kilalang mapandambong at mapanira sa kalikasan.

Ipinagmalaki pa ng DENR na ang naabot na kasunduan ay “kauna-unahang public-private partnership” sa “pangangalaga sa kalikasan at konserbasyon ng ekosistemang marino.”

“Tiyak kaming wala idudulot na benepisyo sa ekosistemang marino ang tambalang ito, na isang malinaw na kaso ng “corporate greenwashing,” ayon kay Fernanco Hicap, pambansang pinuno ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya). “Kasuklam-suklam ang DENR at DOE sa direktang pagsangkot nito sa naturang mga korporasyon sa tabing ng pagprotekta sa VIP. Pagkakakitaan lamang ng mga ito ang ating masaganang rekurso.”

Binatikos din ang kasunduan ng Protect VIP, isang network ng mga organisasyong sibiko at ng mga komunidad ng Batangas. Wala man lamang konsultasyon na isinagawa ang DENR at DOE sa apektadong mga komunidad bago iginawad ang stewardship, ayon kay Gerry Arances, kumbenor ng grupo. Matagal nang tinututulan ng Protect VIP ang operasyon ng mga plantang pang-enerhiya na gumagamit ng fossil fuel (diesel at LNG) ng tatlong kumpanya sa Batangas. Nagdudulot ng masasamang epekto ang mga plantang ito sa ekosistema sa VIP at kabuhayan ng mga mangingisda na nakaasa dito.

“Sa pagtatayo ng dagdag pang mga fossil gas power plant sa VIP, lalo nitong isinasapanganib ang marine corridor at ang katapat na mga komunidad sa polusyon, pagbabago sa biodiversity at kabuhayan, at pinalala nito ang mga epekto ng climate change, ayon kay Arances.

Sa ulat ng grupo, lima sa anim na plantang diesel, apat sa pitong plantang para sa liquified natural gas (LNG) at siyam sa 39 gas-powered power plant ay nasa Batangas. Isa sa pinakamalaki rito ang $3.3-bilyong plantang pang-LNG na sosyohan ng SMC, AEV at MPI na nakatapat mismo sa VIP.

Ayon kay Arances, kung talagang seryoso ang tatlong kumpanyang ito sa pagtatanggol sa VIP, dapat muna nilang ibasura ang kanilang mga plano sa pagtatayo at pagpapalawak ng dambuhalang mga plantang nakasasama sa kapaligiran.

Samantala, iginiit ng Oceana Philippines na dapat ideklara ang VIP bilang protektadong lugar at istriktong ipatupad dito ang mga batas na nangangalaga sa kapaligiran.

AB: Paggawad ng DENR ng "stewardship" ng Verde Island Passage sa tatlong pinakamalaking prodyuser ng maruming enerhiya, kinasuklaman