Balita

Pagkakampo ng AFP sa isang komunidad sa Cebu, kinundena ng mga magbubukid

,

Kinundena ng mga magbubukid na kasapi ng San Roque Farmers’ Association (SRFA) ang sapilitan at patagong pagpasok at pagkakampo ng humigit-kumulang 40 sundalo ng 31st Civil Military Operation (CMO) sa isang slaughterhouse sa Sityo Camaren, Barangay Bonbon, Aloguinsan, Cebu noong Disyembre 4. Ang naturang erya ay madalas pondohan ng mga magbubukid at sakop ng kanilang binubungkal na 168 ektrayang kalupaan na kinakamkam ng pamilyang Gantuanco.

Sa kabila ng paninindigan ng SRFA laban sa pagkakampo ng militar sa pampublikong pasilidad, patuloy na nanatili sa lugar ang yunit. Hindi ito ang unang pagkakataon ng panggigipit at pagkakampo ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naturang erya.

Ayon sa Kahugpongan sa Nagpakabanang mga Mag-uuma sa Tersero Distrito-Cebu, noong Agosto 2011 ay marahas na binuwag ng mga pulis at sundalo ang mga protesta at pagkakaisa ng mga magbubukid na nanindigan laban sa pang-aagaw ng kanilang lupang binubungkal sa Alonguinsan. Inaresto noon ang 39 lider magsasaka at mga tagasuporta ng SRFA na naninindigan laban sa pangangamkam.

Karahasan ang isinagot ng mga sundalo at pulis noong taon na iyon sa kabila ng pagkilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga magbubukid bilang lehitimong nagbubungkal sa lupa. Nong huling bahagi ng dekada 1990 ay binigyan ang mga pamilyang nagbubungkal ng lupa ng cadastral claim certificates.

Noong 2013 ay muli silang hinaras ng pamilyang Gantuangco katuwang ang mga bayarang sundalo ng AFP at nagpatuloy ito sa nagdaang dekada. Umigting muli ang atake sa SRFA noong Oktubre 2022 nang dumating sa barangay ang 31st CMO Special Company at nagsagawa ng pagbabahay-bahay at palabas na pamamahagi ng bigas, nudels, tsinelas at pera kung magpapa-“clear” ng pangalan na hindi sila sumusuporta sa Bagong Hukbong Bayan.

Tinakot ang mga magbubukid at pamilya na kung hindi pipirma ay ipakukulong ang mga ito. Sa panahong iyon ay “pinasurender” ang 17 magsasaka para buwagin ang SRFA. Nagtayo pa ang mga sundalo ng kontrolado nitong organisasyon ng mga magsasaka na Sta. Cruz Famers Association na kalaunan ay naging Camaren Farmers Association noong Hunyo 2023. Ginamit ito para palitan ang SRFA. Tahasang kinubabawan ng militar at National Task Force-Elcac ang lokal na gubyerno ng Barangay Bonbon at maging ang mga upisyal ng bayan ng Aloguinsan.

Hanggang sa kasalukuyan, walang tigil ang 31st CMO Special Company sa pamimilit sa mga magsasakang kasapi ng SRFA na sumuko sa gubyerno. Ang taktikang ito ay nakabalangkas sa peke at korap na programang Balik-Loob ng NTF-Elcac.

“Ang sapilitang pagpasok sa [slaughterhouse] ay palatandaan na mas darami pa ang mga paglabag sa karapatang-tao ng mga magsasaka. Dagdag pa, sinabi mismo ng militar na sakop ng joint task forces na hindi sila lalayas hanggang hindi nagpapailalim ang [samahan] sa militar,” pahayag ng SRFA.

Sa harap nito, mahigpit na nanawagan ang SRFA sa mga magsasaka at lokal na gubyerno na kaagad palayasin ang militar sa komuniad. Dapat umanong igalang ang karapatan ng mga magsasaka na manindigan laban sa mapagsamantala at mapang-aping panginoong maylupa at sa mga instrumentong militar tulad ng 31st CMO.

Nagpahayag na ng suporta sa laban ng SRFA ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at ang lokal na balangay nito sa Cebu.

AB: Pagkakampo ng AFP sa isang komunidad sa Cebu, kinundena ng mga magbubukid