Pagkamatay ng mangingisda sa Navotas City, isinisisi sa nakaambang demolisyon

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Itinuturo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na posibleng may pananagutan sa pagkamatay noong Abril 2 ng 55-taong gulang na mangingisdang si Rodrigo Maano sa Navotas City ang nakaambang demolisyon sa kanilang komunidad dulot ng proyektong reklamasyon. Ayon sa mga ulat, inatake sa puso si Maano habang nagmamadaling inaani ang inaalagaang tahong na nakatakdang idemolis para bigyan-daan ang proyektong reklamasyon.

Ayon kay Lydia Sison, partner ni Maano, bago pa ang kalunus-lunos na insidente ay dumaranas na ng labis na stress at fatigue o pagkapagod si Maano. Napilitan siyang mag-ani ng mga tahong kahit bata pa o hindi pa handang anihin ang mga ito. Nagdesisyon siyang gawin ito kaysa makitang idemolis at masayang ang kanyang mga pinaghirapan.

“Ang pagmamadali sa demolisyon, kakambal ng banta ng pagkawala ng kabuhayan, ay lumikha ng kawalang katiyakan at labis na pighati sa mga komunidad ng mangingisda sa Navotas,” ayon kay Ka Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Sinimulang itulak ng lokal na gubyerno ang demolisyon sa 200 tahungan at iba pang istrukturang pangisda sa naturang baybayin noong Setyembre 2022 at pinaiigting ngayong 2024. Hindi na rin tumanggap ang lokal na gubyerno ng aplikasyon ng bagong permit para sa operasyon ng mga ito.

Nais itulak ang demolisyon para bigyang daan ang Navotas Bay Reclamation Project. Ang 650-ektaryang reklamasyon ay itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company, subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.

Sa datos ng Pamalakaya, mula nang simulan ang mga reklamasyon sa baybayin ng Navotas noong nakaraang taon, bumagsak nang 80% ang arawang kita ng mga mangingisda.

“Ang pagkamatay ni Maano ay nagbibigay diin sa pangangailangang magsagawa ng imbestigasyon sa nangyari sa kanya at sa mas malawak na implikasyon ng demolisyon at mga reklamasyon sa kalagayan ng mga residente at mangingisda ng baybayin,” pagdidiin ni Hicap. Aniya, mayroong pananagutan ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagkamatay ni Maano at kanilang pagwasak sa kabuhayan ng mga residente.

“Dapat itigil na ang demolisypn at bigyan ng karampatan kabayaran ang nawasak ang kabuhayan. Dapat itigil kaagad ang lahat ng mapanirang mga reklamasyon,” ayon pa kay Hicap. Hinamon ng Pamalakaya ang mga kapwa mangingisda at residente ng Navotas City na magkaisa at itulak ang lokal na gubyerno na umaksyon at bigyang hustisya ang pagkamatay ni Maano.

Ang 650-ektaryang reklamasyong ito ay isa lamang sa 22 proyektong reklamasyon na aprubado sa Manila Bay. Sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2023, mayroong 187 kasalukuyang umiiral at aprubadong mga proyektong reklamasyon sa buong bansa.

AB: Pagkamatay ng mangingisda sa Navotas City, isinisisi sa nakaambang demolisyon