Pagkilala ng Korte Suprema sa tangkang panggagahasa bilang krimen, ikinalugod ng kababaihan
Ikinalugod ng grupong Gabriela ang desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa mga kaso ng tangkang panggagahasa bilang krimen. Sa desisyon nito, sinabi ng korte na hindi kailangan magkaroon ng kontak ang mga ari ng biktima at suspek bilang batayan para mapatunayan ang kaso ng attempted rape o tangkang panggagahasa. Ayon sa grupo ng kababaihan, “pinalalakas nito ang legal na proteksyon para sa kababaihan at mga bata laban sa sekswal na pang-aabuso.”
“Sa mahabang panahon, ang mga babae at batang biktima ay nahaharap sa dagdag na troma at pambibiktima kapag kailangan nilang patunayan na may pisikal na kontak sa mga kaso na malinaw namang may planong manggahasa ang suspek ngunit di natuloy dahil sa mga sirkumstansya o interbensyon,” saad ni Clarise Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Sa desisyon ng korte suprema na ipinahayag noong March 27, binaliktad ng korte ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) at ng Court of Appeals (CA) kung saan nilitis ang suspek sa mas magaan na krimen na “unjust vexation.”
Ayon sa kaso, nangyari ang dalawang insidente noong 2013 kung saan ginahasa ng isang ama ang kanyang anak, at tinangka muling gahasain makalipas ang tatlong linggo. Hinatulan ng RTC at CA ang suspek ng isang bilang ng panggagahasa at isang bilang ng unjust vexation, sa halip na tangkang panggagahasa.
Ang unjust vexation, base sa Article 287 ng Revised Penal Code, ay kahit anong uri ng pag-uugali na bagama’t hindi nagdudulot ng pisikal na pinsala ay sanhi naman ng pagkayamot sa isang inosenteng tao. Ang parusa para rito ay pagkakakulong nang isa hangang 30 araw at/o multa na ₱1,000 hanggang ₱40,000.
Sa desisyon ng RTC na kinatigan ng CA, walang tangkang panggagahasa na nangyari dahil nagawa ng biktim na tamaan sa tiyan ng kanyang ama gamit ang kanyang tuhod para makatakas.
Ayon sa desisyon ng SC, nagkamali ang RTC at CA dahil tangkang panggagahasa ang nangyari nang nagsimula ang suspek na gawin ang plano na manggahasa. Sa tangkang panggagahasa by carnal knowledge, hindi rekisito na may kontak ang ari ng suspek sa katawan ng biktima.
Sa pagbaliktad ng desisyon ng RTC at CA, kinukumpirma ng mataas na korte na ang aksyon ng suspek, kabilang ang pagtanggal ng salawal ng biktima at pagpatong nito upang manggahasa ay “malinaw na binubuo ang hakbang tungo sa panggagahasa,” ayon sa Gabriela.
“Ang ‘landmark’ na desisyon ng Korte Suprema ay isang makabuluhang hakbang sa pag unawa sa sekswal na karahasan sa ating sistema sa hustisya. Ang hustisya para sa kababaihan at bata ay hindi dapat nakadepende sa mga teknikalidad na mas nagiging pabor sa mga akusado at nang-aabuso,” dagdag ni Palce.
Umaasa ang Gabriela na ang desisyon na ito ay mas maghikayat sa mga biktima ng sekswal na pang-aabuso na magsalita at lumaban para makamit ang hustisya.
Nananawagan rin ito sa mga nagpapatupad ng batas at mga upisyal na hudikatura na sundin ang desisyon ng Korte Suprema.
Habang ikinatutuwa ng grupo ang “ligal na paglilinaw” ng korte, nananawagan pa rin ang Gabriela para sa mas komprehensibo at matibay na implementasyon ng mga batas hinggil sa karahasan laban sa kababaihan.