Balita

Pagkulong kay Duterte, ipinanawagan

Nagprotesta ang mga myembro ng Bayan Muna sa harap ng Mababang Kapulungan ngayong araw, Oktubre 11, kasabay ng pagdinig dito tungkol sa ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng “gera kontra-droga,” nanawagan sila para sa hustisya at pagpapanagot kay Duterte at sa iba pang sangkot sa maramihang pagpatay.

Sa araw na ito, isinasagawa ang ika-8 pagdinig ng “Quad Committee” ng Kongreso na nagdidiin sa ekstra-hudisyal na pamamaslang ng rehimeng Duterte. Inimbitahan dito ang mga kamag-anak ng mga biktima mula sa Cebu City at Barangay Batasan Hills, Quezon City para magbigay ng kanilang mga testimonya. Kasama nila ang prominenteng mga abugado sa karapatang-tao na sina Atty. Neri Colmenares at Atty. Krissy Conti ng Bayan Muna.

Sa nakaraang mga pagdinig ng Quad Committee, lumabas ang bagong mga ebidensya ng ekstra-hudisyal na pamamaslang kabilang ang testimonya ni Lt. Col. Santie Mendoza, isang pulis na umamin na sangkot siya sa pagpatay kay Wesley Barayuga, isang dating upisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa salaysay ng pulis, inutusan siya ng kasalukuyang Napolcom Commissioner na si Edilberto Leonardo na patayin si Barayuga na inakusahan nitong sangkot sa iligal na bentahan ng droga. Aniya, binayaran si Leonardo nang P300,000 ni Royina Garma, dating general manager ng PCSO at dating hepe ng Cebu PNP, para sa “trabaho” na ito.

Isa pang lumitaw na bagong testimonya ang pag-uutos diumano ni Duterte sa bilanggong si Leopoldo Tan na patayin ang tatlong Chinese noong Agosto 2016.

AB: Pagkulong kay Duterte, ipinanawagan