Balita

Pagkwestyon ng mga abugado ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang kaso, tangkang pagtakas sa pananagutan

,

Pormal na kinwestyon ng mga abugado ni Rodrigo Duterte ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong isinampa sa kanya na krimen sa sangkatauhan ng pagpatay kaugnay ng kanyang madugong gera sa droga. Ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, tumatayong abugado ng mga pamilya ng mga biktima ni Duterte, isa itong pagtatangka ni Duterte para takasan ang kanyang pananagutan.

Isinumite ng mga abugado ni Duterte na sina Nicholas Kaufman at Dov Jacobs ang “Defence Challenge with Respect to Jurisdiction” sa Pre-Trial Chamber 1 ng ICC noong Mayo 1. Layunin nitong ipakansela ang kaso at kaagad na palayain si Duterte dahil sa sinasabing kawalan ng hurisdiksyon ng korte.

Ayon sa kampo ni Duterte, hindi natugunan ang mga kinakailangang kundisyon upang maisakatuparan ang hurisdiksyon sa sitwasyon sa Pilipinas noong pinahintulutan ng Pre-Trial Chamber ang pagsisimula ng imbestigasyon noong Setyembre 15, 2021.

Ginamit na batayan ng mga abugado ang pagkalas ng Gubyerno ng Pilipinas sa ICC na naging epektibo noong Marso 17, 2019. Isang taon ito mula nang nagsumite ang dating gubyernong Duterte ng intensyon na kumalas sa Rome Statute.

Ayon kay Atty. Colmenares, naniwala siyang walang malinaw na batayan ang isinumite ng kampo ni Duterte sa ICC. “Ang sinasabi ng Rome Statute ay may hurisdiksyon ang ICC sa mga kaso o isyu na naumpisahan na bago pa man naging epektibo ang pag-atras (sa ICC). Hindi ito maitatanggi ng kampo ni Duterte,” ayon sa kanya.

Naniniwala si Atty. Colmenares na ginawa ito ng kampo ni Duterte bilang tahasang pagtatangka na siraan ang internasyunal na hustisya at ipawalang-saysay ang mga hakbang na ginawa ng ICC.

“Dapat makamit ang hustisya ng libu-libong mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang at abuso sa karapatang-tao sa ilalim ng madugong gera sa droga ni Duterte. Hindi mabubura ng mga ligal na maniobrang ito ng kampo ni Duterte ang duguang kamay ng kanyang rehimen,” pahayag pa ni Atty. Colmenares.

Dagdag pa niya, hindi lamang ito simpleng taktikang ligal kundi isang desperadong tangka na iantala at isaisantabi ang hustisya. “Ang ganitong mga taktika ay malinaw na panlilinlang upang takasan ang pananagutan. Pero ang hustisya ay hindi matitinag. Kailangang managot si Duterte sa kanyang mga krimen laban sa mamamayan,” aniya.

Nanawagan si Atty. Colmenares sa mamamayang Pilipino at internasyunal na mga tagamasid na maging mapagbantay at ipagpatuloy ang sigaw para sa hustisya. “Ang hustisya para sa mga biktima ng madugong gera laban sa droga ay hindi maaaring ipagpaliban at higit sa lahat, hindi maaaring balewalain. Ang mga pamilya ng mga biktima ay matagal nang naghihintay ng hustisya, at ang ICC ang isa sa mga natitirang pag-asa nila,” pagatatapos niya.

Napailalim sa kustodiya ng ICC sa The Hague si Duterte mula Marso 12 matapos arestuhin ng mga pulis ng Pilipinas noong Marso 11. Unang beses siyang humarap sa korte noong Marso 14 para tiyakin ang kanyang pagkakakilanlan, ilahad ang kanyang mga karapatan at basahin ang kasong isinampa sa kanya. Nakatakda ang susunod na pagdinig ni Duterte sa korte sa Setyembre 23 na panahon para kumpirmahin ang reklamong isinampa sa kanya.

AB: Pagkwestyon ng mga abugado ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang kaso, tangkang pagtakas sa pananagutan