Paglaglag ng US sa Ukraine, babala sa papet na estado nito sa Pilipinas
Marapat na magsilbing babala sa tuta ng US na si Ferdinand Marcos Jr ang harap-harapang “paglaglag” ng presidente ng US na si Donald Trump sa presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelensky sa pagtatagpo nila sa White House noong Pebrero 28. Sa pagtatagpong ito, pinagsabihan ni Trump si Zelensky na dapat magpasalamat ito sa US at sumunod sa gusto nito dahil wala siyang pag-asang maipapanalo ang gera laban sa Russia kung wala ang US.
Itinutulak ni Trump ang “pagtatapos” ng gera sa Ukraine habang nasa proseso ang kanyang administrasyon na makipag-areglos sa Russia kaugnay ng pagsuplay ng enerhiya sa Europe. Itinutulak ni Trump ang pagsuko ng Ukraine ng hanggang 50% hilaw na materyales ng bansa sa US bilang “kabayaran” sa lahat ng ibinuhos nitong ayudang militar at armas sa nakaraang tatlong taon. Ginamit ni Trump ang “di pagrespeto” ni Zelensky sa US at kanyang upisina para ipitin ang ayudang militar sa Ukraine.
“Handa ang gubyernong US na magdeploy ng tropa, magpainit ng sagupaan, at manulsol ng mga proxy war para itulak ang estratehikong heyopulitikal na mga interes nito sa kapinsalaan ng soberanya ng ibang mga bansa. Handa rin itong bitawan ang kunwa’y mga alyado nito kung sa tingin nito ay papabor (ang paglaglag) sa malalaking negosyo at kanilang mga kroni sa US,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan. Sa harap nito, dapat matuto ang mga Pilipino sa kahungkagan ng “balot-sa-bakal na komitment” ng US na “ipagtatanggol” nito ang bansa laban sa dayuhang mananakop.
Binatikos ng Bayan si Marcos Jr sa higit pang pangangayupapa nito sa US at paggamit sa sigalot ng Pilipinas sa China para bigyan-katwiran ang pagpapalawak ng presensya at mga operasyong militar ng mga tropang Amerikano sa buong bansa. Dagdag sa pagpaparami ng mga base militar, pinahintulutan din ni Marcos ang paglulunsad ng malakihang mga war games, pagpwesto ng Typhon missile system at pagtatayo ng mga sentro ng kumand sa loob mismo ng mga kampo ng AFP.
“Nagsasabwatan si Marcos Jr at ang US para gawing lehitimo ang kolonyal na kaisipang kailangan ang permanenteng presensya ng US para ipagtanggol ang mga hangganan ng Pilipinas,” ayon sa Bayan.
Dagdag nito, pinatunayan ng mainit na palitan nina Trump at Zelensky, na nauwi sa sigawan, ang dati nang sinasabing ng grupo na hindi “mabait na kapangyarihan” ang US, kundi nakikipag-ugnayan lamang ito sa ibang bansa alinsunod sa sarili nitong interes.
Sa halip na maging sunud-sunuran sa doktrina ng US, dapat anitong itaguyod ng Pilipinas ang isang independyenteng patakaran sa ugnayang panlabas.
“Sa halip na maging tagagawa ng maruruming gawi ng US sa pamamagitan ng pagkaladkad sa bansa sa gerang proxy sa pagitan ng mga superpower, dapat sagarin ng gubyerno ng Pilipinas ang lahat ng pamamaraang mapayapa at diplomatiko para resolbahin ang sigalot sa China,” anito.
Muling nanawagan ang grupo sa pagbabasura ng mga tagibang na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US, pagsipa sa mga base militar ng US at pagpapalayas ng mga tropang Amerikano sa bansa.