Balita

Paglaya ng isang bilanggong pulitikal, hinarang ng Metro Manila District Jail Annex 4

, ,

Nakatakda nang lumaya si Rey Irvine Malaborbor mula sa anim na taong pagkakakulong noong Hunyo 23 nang harangin siya ng mga tauhan ng Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ4) at ibinalik sa kulungan. Ayon sa tauhan ng kulungan, may dumating na subpoena laban kay Malaborbor para sa kasong arson na diumano’y naganap noon pang 2019 sa Mindoro. Pinaabot lamang ang subpoena kay Malaborbor at kanyang paralegal sa mismong araw ng takda niyang paglaya.

Si Malaborbor ay isang aktibista at myembro ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK). Inaresto at sinampahan siya ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms at pagpatay ng mga elemento ng 76th IB noong Hulyo 27, 2019 sa Santa Cruz, Occidental Mindoro. Inakusahan rin siyang myembro ng Bagong Hukbong Bayan.

Ayon sa Karapatan-Laguna, walang karapatan ang MMDJ4 na pigilan ang paglaya ni Malaborbor dahil kumpleto ang kanyang dokumento. “Ang subpoena ay hindi warrant of arrest at hindi batayan para i-hold ang isang tao. Sa katunayan, sa pag-hold nila kay Rey Irvine, nilalabag nila ang karapatan niya sa habeas corpus o ang karapatan niyang harapin sa korte ang mga reklamo laban sa kanya,” anang grupo.

Dagdag dito, nakapangalan ang subpoena sa ama ni Malaborbor na si Reynaldo Malaborbor, isang lider pesante at myembro ng Pagkakaisa at Ugnayan ng Magsasaka sa Laguna na pinaslang noong Nobyembre 4, 2019.

“Bakit kung kailan lalaya na ang tao ay biglang may delaying tactics? Nananawagan kami na kagyat na palayain si Rey Irvine Malaborbor! Itigil ang panggigipit sa mga bilanggong pulitikal!” pahayag ng Karapatan-Laguna.

AB: Paglaya ng isang bilanggong pulitikal, hinarang ng Metro Manila District Jail Annex 4