Pagmamaliit sa datos ng disempleyo, binatikos

,

Nananatiling mataas ang tantos ng disempleyo ng Pilipinas, anupamang gawin ng mga ahensya ng reaksyunaryong estado na pagmukhain itong maliit.

Noong Pebrero 8, inianunsyo ng Philippine Statistics Authority na nasa 4.3% ang tantos ng disempleyo sa bansa noong Disyembre 2022 mula sa sa tantos na 4.2% noong Nobyembre 2022 o 2.2 milyon mula sa 2.18 milyong walang trabaho. Minaliit ito ng PSA bilang “bahagya” at “di signipikante.” Taliwas ito sa inasahang pagbaba ng disempleyo tuwing huling kwarto ng taon dulot ng inasahan ding pagtaas ng demand tuwing papalapit ang Pasko at Bagong Taon.

Katulad ng pagbaba ng pangkalahatang paggasta ng mga pamilya, bumaba rin ang nalikhang mga trabaho sa Disyembre 2022. Tulad sa nakaraang mga buwan at taon, pinakamaraming nawalang trabaho sa sektor ng agrikultura (225,000).

Kasabay nito, bumaba din umano ang bilang ng mga underemployed o naghahanap ng dagdag na trabaho. Mula sa 14.4% noong Nobyembre, nasa 12.6% ito noong Disyembre. Gayunpaman, aminado ang PSA na maaaring dulot lamang ito ng pagpasok ng Kapaskuhan. Tradisyunal nang nangangailangan ang mga negosyo na magpatrabaho ng dagdag ng mga oras ng kanilang manggagawa tuwing Pasko at Bagong Taon. Ibig sabihin, “seasonal” o temporaryo ang kaayusang ito, tulad ng dagdag na mga tindera sa mga mall. Liban sa muling tataas ang bilang ng mga underemployed, asahang dadami ulit ang mawawalan ng trabaho pagpasok ng unang kwarto ng bagong taon.

“Kapag pumasok ang buwan ng Enero, may nawawala at nare-retain,” pag-amin ng upisyal ng PSA sa press conference nito noong Pebrero 8. “Sa nakaraan, nakikita na may ganitong pagbagsak.”

Tulad sa nakaraan, hindi isinama ng PSA sa pagkwenta ng mga walang trabaho ang bilang ng mga manggagawang nalaglag sa upisyal na sarbey ng pwersa ng paggawa (labor force survey).

“Hindi kasali sa iniulat na disempleyo ang mga Pilipinong walang trabaho na nalaglag sa labor force dahil sa kabiguan nilang makahanap ng trabaho matapos ng mahabang panahong paghahanap,” ayon kay Jose Enrique Africa, executive director ng Ibon Foundation. Sa pagitan ng Nobyembre at Disyembre, bumibilang sila ng 661,000.

Hindi rin naniniwala ang Ibon na tumaas na ang kalidad ng mga trabaho ng mga Pilipino dahil lamang lumiit ng tantos ng underemployment na ipinagpapalagay ng PSA na idinulot ng mas mahahabang oras ng paggawa.

“Sa gitna ng mahinang merkado ng paggawa, ang pagliit ng underemployment rate ay maaaring hindi dahil kuntento na sa kanilang mga trabaho at kita ang mga Pilipino, kundi dahil tumigil na silang maghanap ng mas maayos na trabaho na wala naman talaga,” ayon kay Africa. Umaabot sa 21.2 milyong Pilipino ang nasa “impormal na trabaho,” o 43.2% ng lahat ng mga Pilipinong itinuturing na may trabaho.

“Huwag po nating pagkamalan ito na marka ng pagbangon ng bayan mula sa krisis ng pandemya,” bwelta naman ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa pahayag ng PSA na “tumataas” na ang kalidad ng mga trabaho ng mga Pilipino. “Hindi natin masasabi na mas dekalidad ang iilang trabahong binunga nito dahil lang mas maraming oras na nagtrabaho ang manggagawa.”

“Kakarampot na nga ang dumadagdag na trabaho, lalong dumadami pa ang gutom at mahirap na Pilipino,” ayon naman kay ACT Rep. France Castro. “Ibig sabihin lang nito, mas matagal na nagtatrabaho ang mga manggagawa pero hindi ito natutumbusan ng nakabubuhay na sahod at sapat na sahod pa nga. Hindi ito dekalidad na trabaho.

Hindi umubra ang datos ng PSA sa sarbey ng Social Weather Station, na naglagay sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 9.6 milyon noong Disyembre 2022 o 21.3% ng lahat ng mga manggagawang Pilipino.

AB: Pagmamaliit sa datos ng disempleyo, binatikos