Balita

Pagmimina ng blacksand sa karagatang saklaw ng Ilocos Sur, kaagad na pinahihinto

,

Nanawagan ang mga residente ng bayan ng Santa, Ilocos Sur na kaagad ipatigil ang nagaganap na pagmimina ng blacksand sa tabing ng proyektong dredging sa bukana ng Abra River at karagatang saklaw ng teritoryo ng bayan. Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga residente ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Ilocos.

Noong nakaraang linggo, kumalat sa social media ang mga bidyo at larawang kuha ng mga residente ng mga malalaking barko na nasa baybayin ng Santa na naghahakot ng blacksand. Labis ang galit at pag-alma ng mga taga-Santa sa naturang aktibidad dahil noong nakaraang mga taon pa ay tinutulan na nila ang proyektong dredging na ngayo’y nalantad na pagmimina ng blacksand.

Ang blacksand mining ay ang proseso ng pagkuha ng magnetite, isang uri ng iron ore, mula sa mga ilog at dagat malapit sa baybayin. Ang namiminang magnetite ay ginagamit na sangkap sa paggawa ng bakal, semento, magnet, pintura, tinta, ilang uri ng papel, at iba pa.

Ayon sa Bayan-Ilocos, liban sa iligal na pagmimina ay lumilitaw na sangkot muli sa proyekto ang Isla Verde Mining and Development Corporation. “Kinakailangan ng masinsing pagsusuri [dito] lalo’t na-involve ang kumpanya sa mga kontrobersya sa kasagsagan ng mga iligal na pagmimina ng blacksand sa prubinsya noong 2011-2015,” anang grupo.

Noong Hunyo 2022 ay pumirma ng kasunduan at binigyan ng permiso ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 1 ang kumpanya para sa dredging. Saklaw ng proyekto ang bahagi ng West Philippine Sea papasok sa bukana ng Abra River, na saklaw ng mga bayan ng Santa, Caoayan, at Vigan City.

Noong Nobyembre 2024 ay mayroong permit mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang kumpanya para maghukay at magproseso ng buhangin at graba. Gayunman, wala itong kahit anong permit para magmina ng blacksand dahil noon pang Oktubre 2012 napawalang-bisa ang nauna nilang permit.

Pinuna ng meyor ng bayan ng Santa ang nangyayaring pagmimina. Sa isang bidyo ng Bombo Radyo Vigan, sinabihan ng meyor ang kumpanya na umalis na sa baybayin. “Pwede bang umalis na kayo diyan, right away (ngayon din). Kasi nakikita ng mga tao, kahit anong idahilan mo sa akin, ako’y naniniwala na nagba-blacksand [mining] kayo diyan,” aniya.

Sa harap nito, nanawagan ang Bayan-Ilocos sa lokal na gubyerno ng Ilocos Sur na kaagad ipatigil ang pagmimina sa Santa at iba pang bahagi ng prubinsya. “Ang malalalang epekto ng iligal na pagmimina ng blacksand sa prubinsya lalo na noong 2011-2015 ay patuloy na pinagdurusahan ng mga residente sa kasalukuyan. Kung magpapatuloy ang operasyon ng blacksand mining sa probinsya, tiyak na ibayong wawasak lamang ito sa kalikasan at kabaybayan ng probinsya,” anito.

Sa isang pahayag ngayong araw, Marso 14, itinanggi ng gubernador ng Ilocos Sur at ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang isang “imbestigasyon” ang paratang na mayroong pagmimina ng blacksand sa lugar. Pagpapalusot nito, ang mga nakunang barko ay nagkaroon lamang ng “isyung teknikal” at nagsasagawa lamang ito ng “operasyong panglohistika.”

Hinimok ng Bayan-Ilocos ang mamamayan ng Santa at ng buong Ilocos Sur na magkaisa at tutulan ang pagbabalik-operasyon ng blacksand mining sa probinsya. Dapat din umanong magkaisa para papanagutin ang mga sangkot sa operasyong ito lalung-lalo na ang mga nasa kapangyarihan at lokal na otoridad.

AB: Pagmimina ng blacksand sa karagatang saklaw ng Ilocos Sur, kaagad na pinahihinto