Balita

Pagpahintulot sa pagtaas ng pamasahe ng LRT, sinalubong ng protesta

Sinalubong ng protesta ng mga kabataan at progresibong grupo ang pagpapahintulot ng rehimeng Marcos na itaas ang minimum na pamasahe sa LRT at MRT nang ₱5, mula ₱15 tungong ₱20. Nagtipon ang mga grupo sa istasyon ng LRT sa Doroteo Jose kahapon ng umaga, Pebrero 19.

Ipatutupad ang dagdag-pamasahe sa Abril 2, alinsunod sa petisyon ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang pribadong korporasyong nagpapatakbo sa LRT1. Pangalawang pagtaas na ito sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Pinahintulutan ang pagtaas ng pamasahe sa kabila ng pagtutol dito ng mga komyuter.

“Pumapasan sa mga taas-pasahe na ito ang mga estudyante at manggagawang pangunahing sumasakay sa LRT-1,” pahayag ng Anakbayan. Dagdag pahirap ito sa mga estudyanteng umaaray sa mataas na matrikula at gastos sa edukasyon.

“Walang katotohanan ang binabalandra ng gubyernong pagtaas ng kalidad ng serbisyo sa pagsasapribado ng mga serbisyong pampubliko gaya ng transportasyon. Dahil ang tumaas lang mula nang pumasok sa PPP ang LRT ay ang pamasahe ng mga komyuter at kita ng korporasyon,” ayon sa grupo.

Kinundena rin ng Bagong Alyansang Makabayan ang taas-pamasahe na una na nitong tinawag na kontra-mahirap at kontra-komyuter. Binatikos nito ang rehimeng Marcos sa hindi pagrepaso at pagbasura sa maanomalyang kontrata sa pribatisasyon.

“Kada dalawang taon ang garantisadong taas-singil sa pasahe. Makatwiran ba iyon?” tanong ni Renato Reyes ng Bayan.”Wala talagang aasahan sa gubyernong ito.”

AB: Pagpahintulot sa pagtaas ng pamasahe ng LRT, sinalubong ng protesta