Balita

Pagpapalawak ng SMC ng plantang coal-powered sa Zambales, tinutulan

,

Mula Mindanao hanggang Luzon, walang awat ang pandarambong ng San Miguel Corporation (SMC) ng malaking burgesyang si Ramon Ang sa rekurso ng bayan na pumipinsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Sa Zambales, tinututulan ng mga residente, maka-kalikasang grupo at mga taong simbahan ang balak ng San Miguel Global Power (SMGP), subsidyaryo ng SMC, na palawakin ang Masinloc Power Plant nito sa Masinloc, Zambales. Kinundena din ng mga ito ang pag-endorso sa planong ito ng gubernador ng Zambales na si retiradong heneral Hermogenes Ebdane Jr. Si Ebdane ay isang dating pambansang upisyal na nagsilbing hepe ng Philppine National Police, kalihim ng Department of Defense, at kalihim ng Department of Public Works and Highways.

Tinututulan ng mga residente ang konstruksyon ng dalawa pang dagdag na yunit ng plantang coal-powered o pinatatakbo ng karbon. Gayundin, tutol sila sa pagpapalwak ng Masinloc Jetty Port. Sa kabila nito, nagsumite si Ebdane ng “resolution of no objection” o walang pagtutol sa hiling ng SMC na palawakin ang planta noong Setyembre 2. Ito ay sa kabila ng may naunang naihapag na petisyon ng pagtutol ng mga taong simbahan at mga residente sa paligid ng planta.

Ayon sa kontra-petisyon, napalayas sa kanilang mga tirahan at kabuhayan ang mga residente sa mga komunidad sa paligid ng planta. Dumanas din sila ng pinsala sa kanilang kalusugan, at panggigipit at intimidasyon sa mga tumutol. Nasira din ang karagatan sa Masinloc Bay.

Kasabay ng petisyon, binatikos ng mga grupo ang pagpondo sa proyekto ng Standard Chartered, isang multinasyunal na bangko na nakabase sa United Kingdom. Tumanggap din ito ng pondo mula sa International Finance Corporation ng World Bank.

“Kaming mula sa iba’t ibang bayan ng Zambales, partikular sa bayan ng Masinloc, kasama ng mga ibang sektor katulad ng mangingisda at magsasaka, ay mahigpit na tumututol sa pagpapasa ng resolution ng Provincial Government o ng [Sangguniang Panlalawigan] na aprubahan ang pagpapa-expand ng Power Plant Project sa dako ng Masinloc ng [SMGP],” sabi ni Bishop Jerome Verba ng Iglesia Filipina Independiente.

“Ito ay labis na makakadagdag ng pag-init ng panahon at pagtaas ng antas ng dagat na direktang makakasira sa kalikasan at mga hanapbuhay ng ordinaryong mamamayan lalo na sa bayan ng Masinloc at karatig-bayan [nito],” dagdag ng Bishop Verba.

Ayon sa pag-aaral ng Concerned Citizens of Zambales, sinira ng abo ng karbon mula sa Masinloc ang produksyon ng mangga na isa sa mayor na kabuhayan sa prubinsya. May idinulot din itong pinsala sa mga sakahan sa hilagang Zambales. Kung itutuloy ang ekspansyon ng planta, lalong lalawak ang pinsalang idudulot nito sa mga sakahan at pangkabuuang kahanginan ng prubinsya.

Nanawagan ang mga grupo na agad ipasara ang plantang coal-powered dahil sa “katandaan ng mga kagamitan nito sa pagsunog ng coal, na hindi naman direktang nakakatulong sa mamamayan at kabuhayan; bagkus nakakaambag ng mas malaki sa kasiraan ng kalikasan,” ayon sa obispo.

Sa Pilipinas, galing sa mga plantang coal-powered ang 54.7% mga greenhouse gas emission ng sektor ng enerhiya.

AB: Pagpapalawak ng SMC ng plantang coal-powered sa Zambales, tinutulan