Balita

Pagpapalaya sa aktibistang layko sa Northern Mindanao, muling ipinanawagan

,

Tatlong taon makalipas ang pag-aresto ng mga pwersa ng estado sa aktibista at lay worker na si Aldeem Yañez, muling nanawagan ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) na kaagad siyang palayain. Nagsagawa ang simbahan ng isang konsyerto sa pambansang katedral nito sa Ermita, Manila noong Abril 10 para itampok ang panawagang pagpapalaya kay Yañez at sa iba pang mga bilanggong pulitikal.

Itinanghal ng iba’t ibang grupo sa konsyertong pinangunahan ng Free Aldeem Yañez Movement at Youth of the IFI (YIFI) ang mga awit na komposo ni Yañez. Nagmula ang mga awit na ito sa bagong labas na songbook at album na pinamagatang “Gawasnon.”

Inaresto ng mga pulis at sundalo si Yañez sa kanyang bahay sa Barangay Iponan, Cagayan de oro City noong Abril 10, 2022. Agad siyang sinampahan ng mga kasong illegal possessions firearm and explosives. Noong Agosto 2023, sinampahan siya ng karagdagang kaso ng “terrorism financing” kasama ang 15 pang mga taong-simbahan at kasapi ng Rural Missionary of the Philippines (RMP).

Una nang inaresto si Yañez noong Hulyo 2018 kasama ang 12 iba pa sa General Santos City. Pinararatangan sila noon na sangkot sa pag-atake ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isang kampo-militar sa Agusan del Sur. Ibinasura ng korte ang kasong ito dahil sa kawalan ng sapat na batayan at ebidensya.

Si Yañez ay kilala sa hanay ng IFI dahil nagsilbi siyang tagapangulo ng YIFI noong 1999 hanggang 2002. Naging boluntir din siya sa Visayas-Mindanao Regional Office for Development ng IFI na pinakamatagal na programang pangkaunlaran ng simbahan at ng grupong ekyumenikal na Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP).

Dumalo sa konsyerto ang mga pambansang lider ng IFI kabilang ang ina ni Yañez na si Kathleen Yañez na presidente ng Women of the Philippine Independent Church (WOPIC). Nakiisa rin sa pagtitipon at panawagan ang Student Christian Movement of the Philippines at Kalipunan ng Kristiyanong Kabataan sa Pilipinas (KKKP).

Samantala, inordinahan ng IFI si Yañez sa Sacred Order of Deacons ng simbahan noong Abril 25. Inilunsad ang seremonya sa loob ng Lumbia City Jail sa Cagayan De Oro City. Pinangasiwaan ni IFI Diocesan Bishop of Cagayan de Oro Rt. Rev’d Felixberto L. Calang ang ordinasyon at dumalo dito ang pangkalahatang kalihim ng IFI na si Rt. Rev’d Dindo Ranojo.

AB: Pagpapalaya sa aktibistang layko sa Northern Mindanao, muling ipinanawagan