Balita

Pagpapalaya sa mga bilanggong unyonista sa Metro Manila, muling ipinanawagan

, ,

Naglunsad ng piket-protesta ang iba’t ibang progresibong grupo, sa pangunguna ng Karapatan-National Capital Region (NCR), sa harap ng Quezon City Hall of Justice noong Mayo 20. Panawagan nilang kaagad na palayain at ibasura ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa mga unyonistang sina Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, at Jaymie Gregorio, na bahagi ng Human Rights Day 7 (HRD7).

Ang HRD7 ay magkakasabay na inaresto noong Disyembre 10, 2020 ng mga pwersa ng estado sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila. Hinalughog ng mga pulis ang kanilang tinutuluyang bahay sa bisa ng search warrant na pinirmahan at inilabas ni Judge Cecilyn Burgos- Villavert ng Quezon City Regional Trial Court. Sina Cruz, Astudillo at Gregorio ay hinuli sa isang komunidad sa Mother Ignacia, Quezon City.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-NCR, nakatakdang magkaroon ng pagdinig noong Mayo 20 hinggil sa kaso ng tatlo ngunit hindi sumipot ang tagalitis dahil “nagbabakasyon” diumano ito. Muling inilipat ang araw ng pagdinig sa kaso sa Agosto, tatlong buwan mula sa orihinal na petsa.

Anang grupo, hindi na bago ang ganitong taktika ng panggigipit at panunupil ng rehimeng Marcos laban sa mga bilanggong pulitikal. “Isa na namang patunay ito ng usad-pagong na hustisya sa ating bayan, na pumapabor lamang sa makapangyarihan,” ayon sa Bayan-NCR. Karaniwang pinatatagal ang mga pagdinig at sinasampahan ng dagdag pang mga kaso ang mga bilanggong pulitikal para matagalang ibimbin sa tangkang pahinain ang kanilang paninindigan.

Panawagan ng Bayan-NCR sa Quezon City RTC Branch 84 sa ilalim ni Judge Luisito Cortes na pumanig sa katotohanan. “Ibasura ang lahat ng gawa-gawang kaso laban sa mga bilanggong pulitikal. Hustisya para sa mga unyonista,” anang grupo.

Samantala, muli rin nilang iginiit ang pagpapanagot kay Judge Cecilyn Burgos-Villavert na arbitraryo naglabas ng search warrant laban sa HRD7 at sa marami pang mga aktibista sa buong bansa. Nagresulta ito sa maramihang pagkukulong sa mga aktibista at sa pinakamatindi, ay pagpatay ng mga pulis sa kanila sa tabing ng naratibong “nanlaban.”

AB: Pagpapalaya sa mga bilanggong unyonista sa Metro Manila, muling ipinanawagan