Pagpatay sa abugada sa Abra, kinundena ng mga kapwa abugado, iba pang grupo

,

Nagsagawa ng pagkilos noong Setyembre 14, ang mga kasapi ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), kasama ang iba pang demokratikong grupo, sa Boy Scout Rotonda, Quezon City para kundenahin ang brutal na pagpaslang sa abugadong si Atty. Maria Saniata Alzate. Binaril sa harap ng kanyang bahay sa Bangued, Abra noong Setyembre 14 si Alzate, isa sa mga abugado na nagbibigay ng libreng ligal na serbisyo para sa mahihirap na may kaso. Pangatlo na siyang abugado na pinatay sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ang pagkilos ay kasabay ng paggunita ng NUPL sa ika-16 na anibersaryo ng pagkakatatag nito. Nagkaroon ng parehong aktibidad sa Baguio City at Iloilo City.

“Ikinalulungkot ng NUPL na ang ika-16 anibersaryo ng pagkakatatag nito ay sinalubong ng pagpatay ng isa naming kasamahan sa propesyong ligal,” pahayag ng grupo. “Nagiging posible ang harap-harapan… na pagpaslang sa mga myembro ng propesyong ligal, kabilang ang mga husgado at prosekyutor dulot ng laganap na climate of impunity.”

Inalala ng grupo ang parehong sirkunstansya kung saan pinatay ang dalawa sa kanilang myembro na sina Atty. Juan Macababbad at Atty. Ben Ramos. Ayon sa grupo, pinili ng tatlo ang landas para magsilbi sa mahihirap, na alinsunod sa kanilang mga sinapit, ay nagtataglay ng pinakamalalaking panganib. “Ito rin ang landas kung saan pinakakailangan ang mga abugado.”

“Si Alzate ang pinakahuling biktima sa serye ng mga pag-atake laban sa mga abugado at husgado sa nakaraang mga taon,” pahayag ng grupong Karapatan. Mula 2016, umaabot na sa 61 abugado, husgado at prosekyutor ang pinatay at 67 ang marahas na inatake mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2020, kung saan 55 ang namatay. Sa kabila nito, iilan lamang sa mga salarin ang sinampahan ng kaso.

Kinilala si Alzate bilang abugado ng isang kliyenteng nagsampa ng petisyon para sa writ of amparo. Ang kliyenteng ito ay dinukot, tinortyur at iligal na dinetine ng mga pulis sa Bangued, Abra ngayong taon. Iginawad ng korte ang petisyon at ipinailalim ang anim sa walong pulis na sangkot sa kaso. Kasalukuyan din siyang nag-aabugado sa kaso ng pagpatay ng isang guro na isinampa laban sa isang kapitan ng barangay.

Kinilala ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang “katapangan” ni Alzate sa kasong ito, kung saan pinuri ang kanyang mga pagsisikap para mag-abugado para sa pampublikong interes sa kabila ng mga banta nito sa kanya. Nagsilbing presidente si Alzate ng IBP-Abra sa isang panahon.

Nakiramay naman si dating Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang pamilya, at nananawagan para sa hustisya. Isa si Alzate sa mga aktibong kampayyador ni Robredo sa prubinsya noong 2022.

“Ang pagpatay kay Atty. Alzate ay palatandaan rin ng patuloy na pang-aatake sa sistemang hudisyal na dapat sana’y benyu para bigyan ng hustisya ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao,’ pahayag ng grupong Gabriela. “Sa walang kaabog-abog na pagpaslang sa mga abugadong maka-masa tulad ni Atty. Alzate, lalong nagiging mailap ang hustisya para sa kababaihan at mamamayang Pilipino, laluna ang mga biniktima ng mga pwersa ng estado.”

AB: Pagpatay sa abugada sa Abra, kinundena ng mga kapwa abugado, iba pang grupo