Pagpatay sa magsasaka sa Negros Occidental, gustong pagtakpan ng 62nd IB

Nagtambak ng ilandaang tropang militar ang 62nd IB sa Binalbagan at karatig na mga bayan sa Negros Occidental simula Disyembre 9. Layunin nitong patahimikin at supilin ang mga kaanak at residente sa kanilang panawagang hustisya para kay Braulio “Banny” Tobalado na pinatay ng mga sundalo noong Disyembre 6 sa Barangay Amuntay, Binalbagan. Pinatindi nito ang mga operasyong kombat sa lugar at pagkakampo sa mga komunidad. Nagresulta ito sa pagbabawkit ng mga tao.

Sa ulat na natanggap ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros, 100 sundalo ng 62nd IB ang nag-ooperasyon sa Sityo Sunflower sa Barangay Santol at Sityo Tambo, Barangay Amuntay sa Binalbagan. Sapilitang pinalikas ng mga sundalo ang 15 pamilya mula sa Sityo Karanawan, Barangay Amuntay noong Disyembre 9.

Umabot sa 100 katao ang apektado ng sapilitang pagpapalikas na ito kasama ang kanilang mga anak. Hindi pa nakakabalik ang mga residente dahil sa presensya ng militar sa naturang lugar. Labis ang pag-aalala ng mga residente para sa kanilang mga bahay, mga alagang hayop, kagamitan at kasangkapan sa pagsasaka dahil naiwan nila ito. Pangamba nila, baka nakawin at pagpapatayin ng mga sundalo ang kanilang alagang mga hayop tulad ng nakagawian nito tuwing may operasyong kombat.

Nag-operasyon din ang tropa ng 62nd IB sa Sityo Dadyangao, Pitik-pitik at Hinobaan sa Barangay Luz at Sityo Pinasagan, Barangay Linantuyan sa Guihulngan City, Negros Oriental. Umaabot sa 60 sundalo ang nag-ooperasyon. Samantala, 75 sundalo naman ang namataan ng mga residente sa Sityo Cambuktot, Barangay Cabagnaan, sa Sityo Ilongga, Barangay Camandag at Sityo Mandayao-4, Barangay Mansalanao, sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental.

AB: Pagpatay sa magsasaka sa Negros Occidental, gustong pagtakpan ng 62nd IB