Pagpawalambisa ng kontrata sa PrimeWater, panawagan ng mga mamamayan ng Bacolod
Nananawagang ang mga grupo ng mamimili (consumers group) na tapusin ang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Bacolod City Water District (Baciwa) at PrimeWater Infrastructure Corp. dahil sa nagpapatuloy na palpak na serbisyo at mababang kalidad ng tubig na nararanasan ng mga mamamayan sa Bacolod City.
Sa petisyon hinain nitong Mayo 5 ng Water Watch Advocates, nananawagan sila kay Ferdinand Marcos Jr na mapawalambisa ang JVA sa Primewater, anila, “dahil nagresulta ito ng mababang kalidad ng tubig partikular, napakarumi at mabahong tubig, na nakakaapekto sa kalusugan at kagalingan ng mga mamamayan”
“Lubos kaming nananalangin na mapawalang bisa ang JVA sa pagitan ng Baciwa at Primewater. Na makapaglunsad ng malalim na imbestigasyon sa isyu ng kalidad ng tubig at iba pang usapin at alternatibo pang paraan upang matiyak ang akses sa ligtas, naiinom at abot kayang tubig para sa mamamayan ng Bacolod City,” nakasaad sa petisyon.
Ayon naman sa Amlig Tubig, alyansa ng mga concerned water consumers na nakabase sa Diocese of Bacolod Social Action Center “ang pagbaba ng kalidad ng serbisyo ay padron na sa lahat ng water district na nakapirma ng JVA sa PrimeWater, kabilang dito ang Baciwa na nagtiis sa humihinang serbisyo ng tubig para sa mga residente ng Bacolod na halos 5 taon”.
Ang Amlig Tubig, kasama ang Baciwa Employees Union-National Federation of Labor Unions, ay nanawagan sa iba pang water district at kanilang lokal na gubyerno na pumirma sa JVA sa mga pribadong korporasyon na muling isaalang-alang ang kanilang mga kasunduan. “Dapat lakasan nila ang ang kanilang loob na itulak ang pagpatigil at pagbalik ng serbisyo sa tubig sa pangangasiwa sa publiko”
Noong Nobyembre 2020, nagsimulang pangasiwaan ng PrimeWater ang operasyon ng Baciwa, na may pangakong mamuhunan ng ₱1.6 bilyon para sa pagpapabuti ng suplay ng tubig sa syudad para sa unang 5 taon ng 25 tatong JVA sa lokal na distrito.
Sa kasalukuyan, ay nasa 47.45 porsyento lamang ang naseserbisyuhan ng 24 oras na suplay ng tubig sa Bacolod, habang ang karaniwang dami ng oras na mayroong tubig sa syudad ay nasa 19.11 oras lamang kada araw.