Pagratipika ng Senado sa RCEP, lalong wawasak sa ekonomya

,

Muling nagpahayag ng mariing pagtutol ang mga grupo ng magsasaka, sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa pagpasok ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Niratipikahan ng Senado ang tratado noong Pebrero 23, sa botong 22 sang-ayon, 1 tutol at 1 abstensyon.

“Sadyang nagbubulag-bulagan ang mga senador na bumoto para sa RCEP sa mga iginiit at hinaing ng mga magsasaka,” ayon kay Danilo Ramos, pinuno ng KMP. “Parang di pa sapat ang napala natin sa pagiging myembro sa WTO at iba pang kasunduan sa malayang kalakalan, pumasok naman ngayon ang pamahalaang Marcos sa RCEP…”

Ayon sa KMP, pinakaapektado ang sektor ng agrikultura sa ilalim ng RCEP. “Tatamaan nito ang ating mga sensitibong mga produkto at 84% ng mga produktong agrikultural dahil nangako tayong gawing zero o tanggalin ang lahat ng taripa sa mga ito,” ayon sa KMP. Mas malala, ayon sa organisasyon, marami sa mga programang sinasabi ng gubyerno na makatutulong sa mga magsasaka ay hindi gumagana, at wala sa pusisyon ang mga magsasaka na makipagkumpetisyon sa mga imported na produkto sa ngayon.

Ang deka-dekadang mga patakaran ng World Trade Organization at mga kasunduan sa malayang kalakalan ay nagdulot ng “irreparable damage” sa agrikultura at industriya ng Pilipinas, ayon sa grupo.

“Anumang industriya mayroon tayo ngayon at mawawala sa ilalim ng RCEP. Lalong papatayin ng mga import ang lokal na produksyon dahil babaklasin ng RCEP ang mga taripa sa industriya nang hanggang 93%,” aniya.

Hindi totoong “maiiwan” ang Pilipinas kung hindi ito papasok sa RCEP tulad ng ipinangtatakot ng mga senador na bumoto para rito, ayon naman kay Rosa Bella Guzman, senior researcher ng Ibon Foundation. Mula 1995, nakapaloob ang bansa sa di bababa 10 katulad na kasunduan kabilang ang AFTA-CEPT (1992), ASEAN-China (2005), ASEAN-Korea (2007), ASEAN-Japan (2008), ASEAN-Australia/New Zealand (2008), ASEAN Trade in Goods Agreement (2010), Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA, 2008), European Free Trade Association-Philippines (EFTA-PH FTA, 2016), mga kasunduan sa ilalim ng World Trade Organization sa kalakalan, produkto, serbisyo, agrikultura at marami pang iba.

“Ang totoo, lagi tayong pikit-matang nauunang pumapasok sa mga kasunduang ito, habang patuloy namang lumulubog ang ating ekonomya,” aniya.

Ganito rin ang pahayag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon. Walang idinulot na pag-unlad ang mga kasunduang ito sa bansa. Katunayan, ang Pilipinas ngayon ang pangatlong may pinakamataas na bilang ng mga naghihirap sa Asia, pang-apat na may pinakamaliit na sektor sa pagmamanupaktura. “Pinakamaliit ang bahagi ngayon ng pagmamanupaktura sa GDP sa nakaraang 70 taon, habang ang agrikultura ay pinakamaliit sa buong kasaysayan ng bansa,” aniya.

AB: Pagratipika ng Senado sa RCEP, lalong wawasak sa ekonomya