Pagsampa ng mga kaso laban sa mga lider ng maralita at transportasyon, kinundena
Kinundena ng Piston at Kadamay ang pagsasampa ng kasong paglabag sa BP 880 o Public Assembly Act sa mga lider-masa na sina Mimi Doringo, Mar Valbuena at Regie Manlapig ng Manibela, Mody Floranda at Ruben Baylon ng Piston dahil sa inilunsad na tigil-pasada at protesta. Inatasan silang humarap sa korte sa Nobyembre 14.
Pinangunahan ng Piston at Manibela ang tigil-pasada at martsa patungong Mendiola noong Agosto 14 at iba pang mga pagkakataon laban sa makadahuyan at negosyong Public Transport Modernization Program (PTMP, dating PUVMP). Hinarang ang martsa sa Welcome Rotunda sa Quezon City.
“Ang pagsasampa ng kaso laban sa mga lider-transport at lider-maralita ay pagpapakita ng tunay na kawalan ng sinseridad ng rehimeng Marcos Jr na tugunan ang lehitimong panawagan ng mamamayan. Imbes na pagpapabasura ng bogus na negosyong modernisasyon, pagpapatahimik at pananakot ang sagot nito,” pahayag ng Piston.
Ayon sa Kadamay, isang malaking karuwagan ang ginawang pagsasampa ng kaso ng rehimeng Marcos. Naniniwala ang grupo na labis na makatwiran ang protesta ng mga tsuper, opereytor at mga komyuter na maapektuhan ng naturang programa.
“Sino nga ba naman ang hindi magagalit sa modernisasyon na kung saan sapilitan na kukunin ng mga korporasyon ang mga indibidwal na prangkisa ng mga tsuper at opereytor, pagkatapos ay ipapasa sa mga konsyumer na tulad ng mga maralita ang pagbubuno sa pagbabayad ng mga sasakyang ubod nang mahal?” pahayag nito.
Ang BP 880 na naglalaman ng patakarang “No Permit, No Rally” ay mapanupil na batas na ipinasa sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr. “Dapat nang ibasura ang ganitong mga atrasadong batas na labag sa batayang karapatang pantao,” pagdidiin pa ng Piston. Dagdag pa ng grupo, walang permit na kailangan para isiwalat at labanan ang makadayuhan at negosyong programa ng modernisasyon.
Nagpahayag ng suporta ang Anakbayan sa laban ng mga lider sa transportasyon at maralita. Nakiisa ito sa panawagang kagyat na ibasura ang mga kasong tinawag nitong gawa-gawa laban sa limang lider. “Dapat nating igiit ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagtitipon,” anang grupo.
Sina Doringo, Floranda at Valbuena ay pawang mga kandidato sa pagkasenador sa darating na eleksyong 2025. Tatakbo sina Doringo at Floranda sa ilalim ng Koalisyong Makabayan habang si Valbuena ay independent. Binatikos ng koalisyon ang tinawag nitong “panggigipit laban sa mga nasa unahan ng pakikibaka para sa kabuhayan at demokratikong karapatan.”