Pagsisimula ng SABAK 2025 war games ng US sa Pilipinas, kinundena ng Bayan Muna
Kinundena ng Bayan Muna Party-list ang pagsisimula ng SABAK 2025 war games (kumbinasyon ng Salaknib at Balikatan war games) noong Marso 24 na upisyal na binuksan sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija. Ang war games ay pangunahing nilalahukan ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines at mga pwersa ng United States Army Pacific (USARPAC). Inaasahang lalahok din dito ang iba pang dayuhang mga pwersang militar.
Ayon kay Atty. Carlos Zarate, ikalawang nominado ng Bayan Muna, ang mga war games na ito ay “tahasang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas at pagpapamalas ng pangangayupapa ng administrasyong Marcos Jr sa hegemonikong interes ng US.”
Idiniin pa ng dating mambabatas na magdudulot lamang ng kaguluhan sa rehiyon ang war games at magpapatindi sa tensyon sa katunggali ng US na imperyalistang China. “Inilalantad [ng mga ito] ang ating bansa sa pinaigting na tensyong heyopulitikal, partikular sa West Philippine Sea,” aniya.
Dagdag pa ni Atty. Zarate, ang mga ito ay walang layuning ipagtanggol ang Pilipinas, taliwas sa mga ipinapahayag ng mga upisyal ng rehimeng Marcos. “Para lamang ito sa pagpapakitang-gilas ng US sa rehiyon,” aniya.
“Ang pagkukumahog ng administrasyong Marcos Jr na lumahok sa mga war games na ito ay naglalantad sa panganib ng kawalan ng nagsasariling patakarang panlabas,” dagdag niya. Ipinakikita rin umano nito ang kahandaan ng rehimen na isakrpisyo ang pambansang interes sa ngalan ng amo nitong imperyalsitang US.
Gaganapin ang Phase 1 ng Salaknib mula March 24 hanggang April 11, at ang Phase 2 naman ay sa May 19 hanggang July 20 sa Fort Bonifacio, Taguig City, at sa mga erya ng operasyon ng 5th ID sa North Luzon at 7th ID sa Central Luzon. Para sa unang yugto ng war games, tinatayang nasa 3,000 sundalo mula sa Philippine Army at 2,000 mga sundalo mula sa US Army Pacific ang lalahok.
Samantala, nakatakdang isagawa ang Balikatan war games sa Abril 21 hanggang Mayo 9. Hindi bababa sa 16,000 tropang Amerikano, Pilipino, Japanese at Australian ang ipinahayag na lalahok sa war games.