Balita

Pagtanggi ng DOLE na kilalanin bilang SEBA ang unyon sa pagawaan ng damit, binatikos

,

Binatikos ng mga manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories Inc ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtanggi nitong kilalanin ang kanilang unyon na Nagkakaisang Manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories Inc (NMGZ) bilang sole and exclusive bargaining agent (SEBA) ng mga manggagawa.

Sa pahayag ng NMGZ, nakuha ng unyon ang 57 boto ng pagsang-ayon ng mga manggagawa para maging SEBA. Mayorya na ito ng rank and file. Sa kabila nito, itinulak ng DOLE ang prosesong “validation” sa loob ng pabrika kahit pa kumpleto ang dokumentong isinimute ng unyon.

Anang unyon, duda sila sa “validation” dahil impluwensyado ng kapitalista ang mga manggagawa at hindi malayang makapagsabi ng kanilang naisin sa ahensya. “(N))agkatotoo nga ang aming hinuha, hindi diumano naabot ang majority ayon sa validation ng DOLE,” pahayag ng NMGZ.

“Nagbingi-bingihan ito (DOLE) sa nais ng mayorya ng manggagawa na magkaroon ng unyon na kakalinga sa kanila,” pahayag ng unyon.

Samantala, sunud-sunod na kinakasuhan ng kapitalista ang mga upisyal ng unyon kabilang ang pangulo nito. Nagpakawala ang maneydsment ng mga probokador para mang-udyok sa mga upisyal at kapag pinatulan ay kakasuhan na ng kapitalista.

“Hindi rin sinusunod ang tamang proseso dahil wala itong binibigay man lang na Notice to Explain sa manggagawa at agad-agad pinapagawa ng salaysay na di na muna binibigyan ng pagkakataon na sumangguni sa aming pederasyon o abogado,” anito.

Sa harap ng mga panggigipit na ito, desidido ang unyon na patuloy na magkaisa at lumaban para sa kanilang mga karapatan. “Sama-sama nating labanan ang ganitong maruming iskema ng kapitalistang Golden Zone!” panawagan nito.

Ang NMGZ ay nairehistro noon lamang Agosto 12 matapos ang halos isang taong pagsisikap ng mga manggagawa. Kasunod nito, kabi-kabilang panggigipit ang kaagad naranasan ng mga kasapi nito mula sa maneydsment. Kabilang dito ang pamimilit ng kumpanya na umatras ang mga myembro sa pagiging kasapi ng NMGZ.

Bahagi ang unyon ng pederasyong Organized Labor in Line Industry and Agriculture-Kilusang Mayo Uno (OLALIA-KMU).

AB: Pagtanggi ng DOLE na kilalanin bilang SEBA ang unyon sa pagawaan ng damit, binatikos