Pagtatanggol ni Sen. Imee Marcos kay Rodrigo Duterte, binatikos ng Kabataan Party-list
Binatikos ng Kabataan Party-list si Sen. Imee Marcos matapos maglunsad at pangunahan ang isang pagdinig sa Senado noong Marso 20 ukol sa pag-aresto at pagkulong kay Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC). Malinaw sa pagdinig na tutol siya sa pagkulong kay Duterte sa detensyon ng ICC sa The Hague. Tulad ng mga Duterte, idinahilan niyang paglabag sa soberanya ng bansa ang ginawang pag-aresto.
Inaresto si Duterte noong Marso 11 at inilipad patungong The Hague sa Netherlands para panagutin siya sa krimen sa sangkatauhan, partikular ng pagpatay, sa kanyang gera sa droga. Una siyang humarap sa korte noong Marso 14 at inaasahang muling haharap sa Setyembre 23.
Ayon sa partido ng kabataan, maraming hindi akma sa mga pahayag ni Senator Marcos sa isinagawang pagdinig. Ayon kay Atty. Rene Co, tagapagsalita at unang nominado ng partido, “walang nasyunalidad ang pananagutan.” Sinabihan niya ang senadora na “itigil ang pagtatago sa likod ng pekeng Pinoy pride at gawa-gawang respeto sa mga korte ng Piliinas.”
Ani Attorney Co, “mga Marcos din naman ang nambastos sa mga korte para maiwasan ang pananagutan sa ill-gotten wealth na ninakaw nila.” Anak si Senator Marcos ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr na nagkamal ng bilyun-bilyong piso mula sa korapsyon at pag-alipusta sa mga Pilipino sa ilalim ng ilang dekadanng paghaharing militar. Nakatatandang kapatid siya ng kasalukuyang presidente.
“Sinuko sa dayuhan? Sinuko rin naman ni Rodrigo Duterte ang sarili niya sa China para takasan ang pananagutan niya sa mga pinapatay niyang kapwa Pilipino. Napahiya pa siya nang itaboy siya ng dayuhang amo niya,” ayon pa sa lider-kabataan. Pinatutungkulan dito ni Co ang usap-usapan na humiling ng asylum si Duterte mula sa China nang mabalitaan inilabas na ng ICC ang mandamyento de aresto laban sa kanya.
Liban dito, inungkat ng lider kabataan ang hatol na maysala kay Senator Marcos sa isang korte sa Hawaii kaugnay sa pagpapapatay kay Archimedes Trajano. Si Trajano ay naging biktima ng diktadura matapos siyang magtanong sa isang bukas na porum na isinagawa ni Imee Marcos noong Agosto 1977.
“Senator Imee, do you remember Archimedes Trajano? Hinatulan kang guilty ng korte sa Hawaii sa pag-utos ng pagpatay sa kanya pero natakasan mo ito dahil dayuhang korte raw ang humatol nito. Yung pagtatanggol mo kay Rodrigo Duterte ay mula sa sarili niyong Marcos playbook. Tumakas ka sa pagkakakulong para ang mga susunod na henerasyon ng mga kriminal tulad ni Duterte ay makatakas rin,” pagdidiin ni Attorney Co.
Nanawagan si Co sa mga kapwa niya kabataang Pilipino na magkaisa para panagutin ang lahat ng mga kriminal sa gubyerno at naghaharing uri.