Pagtatayo ng detatsment ng militar, tinuligsa ng BHB-Negros

Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southeast Negros ang planong pagtatayo ng detatsment ng 11th IB sa Tamlang Valley, Barangay Talalak, Santa Catalina, Negros Oriental. Anito, magreresulta lamang ito ng ibayong paglabag sa karapatang-tao ng mga sibilyan at residente.

Nanawagan si Ka Estrella Banagbanag, tagapagsalita ng naturang yunit ng BHB, sa mamamayan na magkaisa para itakwil ang planong pagpapaigting ng militarisasyon sa Santa Catalina.

Kinastigo ni Ka Estrella ang kumander ng 11th IB sa deklarasyong paiigtingin nito ang pagrerekrut ng mga kasapi ng SCAA/CAA para magslibing “force multiplier” sa dati nang militarisadong mga barangay.

“Malinaw ang desperasyon ng AFP na ilayo ang masa sa pagsuporta sa rebolusyonaryong kilusan,” ani Ka Estrella. “Ang taktikang ito na ginamit na sa ibang bahagi ng Negros ay nabigo.” Ganito rin umano ang mangyayari sakaling matutuloy ang pagtatayo ng detatsment.

Tiyak na maaantala ang mga ipinangakong benepisyo at sahod para sa mga SCAA rekrut habang kinukurakot ito ng matataas na upisyal ng militar, aniya.

Isinalaysay din ni Ka Estrella ang napakarami nang mga kaso ng pangwawasak ng militar sa mga komunidad at kabuhayan, ang kanilang lansakang red-tagging, pagkukulong, at pagpaslang mga inosenteng sibilyan at magsasaka sa Santa Catalina.

Hamon niya sa mga residente ng bayan at kalapit na mga lugar na maging mapagbantay sa mga “panlilinlang ng 11th IB.”

Ang pagtatayo ng detatsment ay magpapakita lamang ng kalupitan ng militar na siyang magtutulak sa mamamayan ng Santa Catalina na sumapi sa hukbong bayan, aniya.

AB: Pagtatayo ng detatsment ng militar, tinuligsa ng BHB-Negros