Balita

Pagtatayo ng dike sa baybay sa Navotas City, inireklamo

Nagreklamo ang mga mangingisda at residente ng baybaying komunidad ng Little Samar St, Barangay San Jose, Navotas City sa itinatayong Navotas Coastal Dike Project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang lugar. Anang mga residente, maaapektuhan nito ang kanilang pangingisda at kabuhayan dahil sasarhan nito ang tanging lagusan ng mga bangka.

“Nanganganib na tuluyang isara ang kapirasong daanan ng mga bangka sa pagitan ng mga nakatayong breakwater,” ayon kay Rommel Escarial, presidente ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas.

Anang lider-mangingisda, “paano na lamang ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda kung hindi maglalaan ng espasyong lagusan para sa kanilang kanilang mga bangka?”

Kwestyunable ang pag-apruba sa nasabing proyekto dahil hindi nagkaroon ng konsultasyon sa mga apektadong mangingisda. aniya. “Kung agad sa aming ipinaalam na isasara pala ang daanan ng bangka ay hindi naman namin ito pahihintulutan.”

Ayon sa Pamalakaya-Navotas, kikilos sila at magpuprotesta sa mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan para ipabatid ang kanilang panawagan.

Ang kinahaharap na pang-aagaw sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Barangay San Jose ay katulad rin ng dinanas ng libu-libong mangingisdang apektado ng 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project sa syudad. Naapektuhan noong nakaraang taon ang kabuhayan ng mga mangingisda at magtatahong matapos pagtatanggalin ng lokal na gubyerno ang mga taghungan sa ngalan ng reklamasyon.

AB: Pagtatayo ng dike sa baybay sa Navotas City, inireklamo