Pagtatayo ng kampo militar sa isang barangay sa Occidental Mindoro, tinutulan ng mga residente
Mariing tinutulan ng mga residente ng Barangay Malisbong, Sablayan, Occidental Mindoro ang planong pagtatayo ng isang kampo militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang barangay. Kumalat ang balita sa planong kampo militar nitong huling linggo ng Marso, ayon sa mga residente.
Sa paunang impormasyon, balak itayo ang kampo sa isang pribadong lote na malapit sa Malisbong National Highschool. Tumanggi ang may-ari ng lupa sa alok ng militar na gamitin ang lote para sa itatayong istruktura.
Ipinagtataka ng mga residente kung bakit magtatayo pa ng kampo sa barangay gayong ang munisipyo ng Sablayan ay idineklara na bilang “stable in internal peace and security” o “insurgency-free” noon pang Agosto 2024. Sa huling tala noong 2020, mayroong 4,262 na residente sa Barangay Malisbong.
Bagaman hindi pa pormal na nagsampa ng reklamo ang mga residente, kabi-kabila ang pagpahayag nila ng pagtutol dito. Ibinahagi ng isang residente ang laganap na takot at troma na nadarama ng komunidad dahil sa posibilidad na maipit sa gitna ng putukan at engkwentro kung matutuloy ang pagtatayo ng kampo.
Anang mga residente, ang Barangay Malisbong ay pana-panahong ipinaiilalim ng AFP sa mga operasyong kombat, pagmamanman at kampanyang kontra-insurhensya. Nababahala sila na tumindi pa ang mga ito kung matutuloy ang pagtatayo ng kampo sa gitna ng barangay.