Pagtatayo ng substation ng NGCP sa Sorsogon City, tinututulan ng mamamayan
Muling tinutulan ng mga residente ng Barangay Abuyog, Sorsogon City ang planong pagtatayo ng 230kv substation ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa kanilang lugar. Sa naganap na dayalogo sa pagitan ng NGCP at mga residente sa simbahan ng barangay noong Abril 4, tinutulan ng mga residente ang plano dahil sa posibilidad na masisira nito ang humigit kumulang na 20 bukal sa kanilang lugar.
Ayon sa mga residente, ang mga bukal na ito ang nagbibigay ng natural na irigasyon sa mga sakahan at ibang pananim. Dito rin kumukuha ng inumin at iba pang pangkonsumong tubig ang mamamayan. Gayundin, masisira ang mga punongkahoy at kanilang lupang sakahan, at mawawalan ng kabuhayan at tirahan ang mga residente. Sa kabila ng mariing pagtutol ng mga residente, naglabas ng certificate of no objection (walang pagtutol) ang mga upisyal ng barangay.
Ang pagtatayuan ng substation sa Barangay Abuyog ay 85 metro ang distansya mula sa orihinal na pagtatayuan nito at nakakategorya bilang lupang agrikultural. Minungkahi ng mga residente na sa Barangay Bibingcahan na na lamang itayo ang naturang substation.
Unang tinutulan ng mga residente ang plano ng NGCP na magtayo ng substation noong 2022. Ayon sa NGCP, layon nilang kunin ang anim na ektarya ng barangay ngunit nasa loob ng erya na sasaklawin ang mga bukal ng tubig na pinagkukunan ng mga residente. Gusto naman ng NGCP maghuhukay na lamang sila ng deepwell kapalit ng bukal na matatamaan, ngunit hindi ito sinangayunan ng mga tagabaryo. Anila, espesyal ang kalidad ng kanilang tubig kung ikumpara sa marumi at hindi pwedeng inumin na tubig mula sa Prime Water na nagseserbisyo ng tubig sa Sorsogon CIty.