Pahayag ni NSC Sec Año na hindi matutuloy ang usapang pangkapayapaan ng NDFP-GRP, binatikos
Binatikos ng mga rehiyunal na upisina ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pahayag ni National Security Adviser Eduardo Año na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Pilipinas (GRP). Ginawa niya ang pahayag noong Agosto 19, sa isang press conference ng National Security Council. Ayon kay Año, ito daw ay dahil “hindi nagkakaisa ang rebolusyoaryong kilusan sa pagharap sa negosasyon.” Pang-iintriga pa niya, marami daw ang “pagtutol” sa “lokal na antas” dahil hindi diumano nagkakaisa kung “itatakwil” ang armadong pakikibaka. Nasa mga pwersang rebolusyonaryo pa umano ang problema.
“Muling pinatutunayan ni National Security Adviser Eduardo Año ang pagiging nangungunang peace saboteur sa Pilipinas,” ayon kay Patnubay de Guia, tagapagsalita ng NDF-Southern Tagalog. “Malinaw na mga pakana ito para muling ibahura ang peace talks.”
“Sa esensya, hinahamon ng pasistang heneral ang armadong rebolusyonaryong kilusan na magsalong ng armas bilang kundisyon sa muling pagbubukas ng negosasyon,” ayon kay Armando Cienfuego, tagapagsalita ng Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command). “Gasgas na ang ganitong taktika na tusong isinasangkalan ang peace talks upang pahinain ang NPA at lipulin ang rebolusyonaryong kilusan.”
Pinabulaanan ni Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command) ang mga paratang ni Ano. “Ang buong rebolusyunaryong kilusan ng CPP-NPA sa pamamagitan ng pambansang liderato nito ay nagkakaisa hanggang sa mga pinakabatayang organisasyon nito sa lokalidad sa pagpasok at paglahok sa peace talks,” aniya.
Mahaba ang rekord ni Año sa pagdidiskaril ng peace talks, aniya. Matatandaan panay din ang satsat ni Año noong huling bahagi ng 2023 matapos isapubliko ang pinag-isang pahayag ng NDFP at GRP na nag-anunsyo ng kahandaan ng dalawang panig na muling buksan ang usapan. Ipinagkalat ni Año na ang bubuksang usapan ay “bago” at hindi nakatuntong sa mga napagkaisahan nang mga kasunduan.
Agad din niyang binangga ang mga hakbang na makapagpapadali sa muling pagbubukas tulad ng pagpapalaya ng mga konsultant ng NDFP at ibang mga detenidong pulitikal at pagtatanggal ng designasyong “terorista” kay Louie Jalandoni. Sa halip, idiniin niyang magpapatuloy ang mga operasyong militar ng AFP at panggigipit ng NTF-Elcac na salarin ng napakaraming krimen sa digma at paglabag sa mga karapatang-tao ng mga sibilyan.
“Utak-pulbura” ang paglalarawan ni Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros (Mt. Cansermon Command). “Walang lohika at puno ng kontradiskyon ang pahayag ni Ano na magdelara muna ang rebolusyonaryog pwersa na hindi na ito maglulunsad ng armadong pakikibaka bago sumang-ayon ang GRP sa negosasyon,” aniya. “Dapat isipin ni Ano na imposible para sa mga Pulang mandirigma na basta na lamang sumuko hanggang umiiral pa ang napakaraming dahilan para lumaban at tumangan ng armas.”
“Baka nakakalimot si Año na ang armadong pakikibaka ay umiral na nang 55 taon,” ayon naman kay Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros Island. “Wala pang nakaupong papet na rehimen ang nakagapi nito kahit paulit-ulit nilang ideklarang wawakasan na nila ang BHB.”
Ang pagtatakwil ni Año sa usapan ay salamin ng kanyang personal na background sa militar at naayon sa dikta ng imperyalismong US at ni Marcos Jr, ayon naman kay Cecil Estrella, tagapagsalta ng BHB-Northern Negros (Roselyn Pelle Command). “Itinatakwil ng mamamayan ng Negros ang militaristang pagharap na ito, laluna sa mga komunidad na dumaranas ng matinding militarisasyon ng 79th IB.”
“Ang kagustuhan (ni Año at amo niyang si Marcos Jr) na pagsuko at pagsalong ng armas ng CPP-NPA-NDFP at lahat ng mamamayang lumalaban ay isang hibang na pangarap,” ani Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro (Lucio De Guzman Command).
“Ang tindig na kontra sa negosasyong pangkapayapaan ay lansakang kontra-mamamayan,” ayon kay Rosa Guidon, tagapagsalita ng NDF-Ilocos. “Isinasara nito ang pagkakataon upang maipagpatuloy at maipinal na ang mga sustantibong adyenda na siya sanang lulutas sa ugat ng kronikong kahirapan ng nakararaming masang magsasaka, manggagawa at iba pang maralitang Pilipino.”
“Mismong ang rehimeng US-Marcos ang naghahadlang sa daan tungo sa tunay na kapayapaan para sa sambayanang Pilipino,” ayon kay Samuel Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command). “Naninindigan ang buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Sorsogon na tanging sa paglutas sa ugat ng tunggalian at digmaan sibil sa bansa tulad ng kagutuman, kawalan ng serbisyo, korapsyon, kawalan ng lupa at iba pa, tunay na makakamit ang tunay, makatwiran at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.”