Balita

Pakanang "MSRP" ng rehimeng Marcos, inutil sa pagkontrol ng presyo at pahirap sa magbubukid

,

Muling kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at ng Amihan National Federation of Peasant Women ang pagpapatupad ng rehimeng Marcos at ng Department of Agriculture (DA) sa inutil na maximum suggested retail price (MSRP) sa imported na bigas. Simula noong Marso 31, ibinaba ng DA ang dating MSRP ng 5% broken na imported na bigas na ₱49 tungong ₱45.

Ayon sa KMP at Amihan, isa itong band-aid na solusyon na magpapalubha lamang sa krisis na dinaranas ng mga Pilipinong magsasaka at hindi makakatugon sa pagpapababa sa presyo ng bigas.

“Panay ang pag-eksperimento ng gubyerno sa presyo ng bigas pero hindi nito tinutugunan ang ugat ng problema—ang pagdepende sa imported na bigas at ang pagwasak sa lokal na produksyon,” ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at ikalawang nominado ng Gabriela Partylist.

Naniniwala ang KMP at Amihan na imposible sa bansa ang pagkontrol sa presyo ng bigas dahil sa walang-kontrol na importasyon. Anila, pinatitindi ng ganitong kalakaran ang pagkalugi ng mga magsasaka at pinalalala ang perwisyong dulot ng Rice Liberalization Law.

Duda ang dalawang grupo sa pagdadahilan ng DA na ibinaba nito ang MSRP alinsunod sa pagbaba rin ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado. Ito ay dahil nakatuon ang pagpabagsak ng presyo sa kalagitnaan ng panahon ng pag-aani ng lokal na magsasaka. Ang hakbang na ito ay posibleng magpabagsak pang lalo sa presyo ng bilihan ng palay. Sa bayan ng San Jose sa Occidental Mindoro, nasa ₱13 kada kilo na lamang ang pagbili sa palay, malayong-malayo sa gastos ng mga magsasaka.

Ayon sa KMP, napatunayan na sa mga nakalipas na buwan na ang pagtatakda ng MSRP ay hindi ang epektibong solusyon sa krisis hangga’t hindi nasosolusyunan ang problema ng mataas na gastos sa produksyon. Anang grupoo, ang tunay na solusyon ay ang pagpapalakas sa lokal na produksyon at kagyat na pagbasura sa Rice Liberalization Law.

“Hindi lang mataas na presyo ng bigas ang pangunahing problema kundi ang sistematikong kontrol ng mga pribadong trader at importer sa presyo at suplay nito. Habang ipinapasa ng gobyerno ang pasanin sa mga magsasaka at mamimili, walang konkretong aksyon laban sa hoarding, smuggling, at price manipulation,” ayon kay Ka Daning Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Noong 2024, umabot sa 4.68 milyong metriko tonelada ang inangkat na bigas ng Pilipinas at posibleng lumagpas pa ito sa 5.22 milyong metriko tonelada ngayong 2025.

AB: Pakanang "MSRP" ng rehimeng Marcos, inutil sa pagkontrol ng presyo at pahirap sa magbubukid