Balita

Pakanang ₱20/kilong bigas sa Cebu: gimik pang-eleksyon, di pangmatagalang solusyon

,

Tinawag na “solusyong band-aid” at “gimik pang-eleksyon” ng iba’t ibang grupo ang pinakahuling pakana ng rehimeng Marcos na ibaba ang presyo ng bigas tungong ₱20/kilo sa Visayas sa panahon ng eleksyon. Anila, sawa na ang mamamayan sa pakitang-tao at pang-eleksyon na “gimik” ng rehimen.

“(H)indi ito magiging sustenable at epektibo para bigyang solusyon ang malalang krisis sa bigas,” ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

“Posibleng imported rice ang ibebenta ng DA (Department of Agriculture). Kung gaya lang ito ng mga naunang programa, walang tunay na pagbabago sa epekto nito sa mga konsyumer at mas magpapalala sa kalagayan ng mga magsasaka,” ayon kay Danilo Ramos na tagapangulo ng KMP at kandidatong Senador ng Makabayan.

Bago nito, ipinatupad ng rehimen ang Food Security Emergency Declaration, Maximum Suggested Retail Price, Nutri-Rice, Sulit-Rice, at iba pa, na pawang mga panandalian at eksperimentong solusyon.

Mas malala, nagreresulta ito sa lalo pang pagbagsak ng bilihan ng palay sa lokal na mga magsasaka. Sa Leyte, halimbawa, nasa ₱12 hanggang ₱14 kada kilo na lamang ang bilihan ng palay, na mas mura pa sa bilihan ng darak.

“Umaaray at umiiyak na ang mga magsasaka, tapos ngayon, mas lalo pa silang mapipilitan sa pagbebenta ng palugi,” ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at ikalawang nominado ng Gabriela Women’s Part. Si Estavillo din ang tagapagsalita ng Bantay Bigas network.

Batid ng mga magsasaka ang mga layuning pulitikal sa pakanang ito, lalo at sa Cebu ito unang ipatutupad.

“Kung sa Cebu ito unang ipatutupad, malinaw na may halong kampanya at motibo pulitikal, lalo’t vote-rich at marami pa ang pro-Duterte sa rehiyon,” pahayag ni Ramos.

Ayon naman sa SUKI Network, dapat gumawa ang gubyerno ng mga hakbang na lampas sa mga “gimik” nito tulad ng pagtanggal sa value-added tax sa mga produkto at pagtigil sa pribatisasyon ng mga serbisyo at yutilidad para mapababa ang mga presyo at singil. Higit dito, dapat bigyan-diin ang pagpapalago sa sariling mga industriya at suporta sa lokal na agrikultura para ibsan ang kahirapan na dinaranas ng mamamayan.

AB: Pakanang ₱20/kilong bigas sa Cebu: gimik pang-eleksyon, di pangmatagalang solusyon