Pakikiisa sa rebolusyong Pilipino, isinagawa sa Mexico
Bilang tugon sa panawagan ng Friends of the Filipino People in Struggle para sa isang araw na pakikiisa sa rebolusyong Pilipino, nagtipon sa syudad sa Oaxaca, Mexico noong Agosto 26 ang puu-puong mga aktibista mula sa iba’t ibang organisasyong demokratiko. Binasa nila ang pahayag ng FFPS, gayundin ang pahayag ng Corriente del Pueblo-Sol Rojo (People’s Current-Red Sun).
Kabilang sa lumahok sa aktibidad ang Movimiento Femenino Popular, na nagpahayag ng pakikiisa sa kababaihang Pilipino na lumalahok sa armadong pakikibaka bilang mga mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan. “Walang rebolusyon kung wala dito ang kababaihan!” pahayag ng grupo ng kababaihan.
“Makatarungan na mag-armas ang mahihirap sa Pilipinas laban sa tiranikong gubyerno,” ayon naman sa Movimiento de Artesanos Independientes. “Katulad natin sila na tinutugis at itinuturing na kriminal dahil sa pagiging mahirap o katutubo.” Ang naturang grupo ay organisasyon ng mga artisano, na karamihan ay katutubo.
Namahagi ang mga grupo ng espesyal na isyu ng publikasyong Mural na naglalaman ng batayang impormasyon kaugnay sa rebolusyong Pilipino. Ayon sa ulat, maraming Mexican ang naging interesado sa programa at sa Mural dahil sa komun na kasaysayan ng Pilipinas at Mexico bilang mga kolonya ng Spain. Marami rin itong pagkakapareho sa kultura at kasaysayan ng paglaban.
“Lubos na umaasa kaming mamamayang Mexican sa pagtatagumpay ng kilusan para sa pambansang kalayaan ng kapatid naming mga Pilipino,” ayon sa mga grupo.
Kasabay ng kanilang pakikiisa sa rebolusyong Pilipino, kinilala rin nila ang dakilang pag-aalsa ng mga Palestino laban sa Zionistang Israel at ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan sa India sa Operation Kaagar.