Balita

Paliparan sa Cavite, bubuhayin para sa gamit-militar ng US

, ,

Muling binuhay ng US ang proyektong rehabilitasyon ng Sangley Point International Airport sa Cavite, isang sibilyang paliparan, para maging bahagi ng inilalatag nitong Luzon Economic Corridor. Noong Mayo 12, inianunsyo ng US Trade and Development Agency (USTDA) na popondohan nito ang isang feasibility study para itransporma ang paliparan sa dual-use o dalawahang-gamit (sibilyan at militar) na pasilidad.

Ang Sangley Point ay dating base ng US Navy. Ibinalik ito ng US sa estado ng Pilipinas noon pang 1971. Balak ng US na gamitin ang Sangley Point para sa mga direktang flight mula sa mga mayor na paliparan ng US. Gagamitin dito ang mga teknolohiyang Amerikano tulad ng mga scanner, radar, at sistemang telekomunikasyon para matiyak ang kontrol dito ng US.

Tatayong kasosyo ng US sa proyekto ang Cavitex Holdings Inc. (CHI) at ang The S-A-P Group para isagawa ang pag-aaral. Ang CHI ay pagmamay-ari ng mga Virata, isang pamilyang malapit sa mga Marcos. Isa sa mga Virata, si Cesar Virata, ay nagsilbing punong ministro ng diktadurang US-Marcos Sr. Ang S-A-P Group naman ay isang aviation consulting firm na nakabase sa San Francisco, California.

Bago nito, iginawad ang kontrata sa rehabilitasyon ng paliparan sa China Communications Construction Co. (C4) at kasosyo nitong MacroAsia Corporation ni Lucio Tan noong 2019. Inilagay din ng US sa “blacklist” ang C4 at hinimok ang rehimeng Duterte na magputol ng ugnay dito. Ipinawalambisa ang kontrata ng rehimeng Duterte noong 2021 matapos mahanapan ito ng mga kakulangan. Noong 2022, iginawad ang kontrata sa CHI ng mga Virata, kasosyo ang House of Investments, Inc. ng pamilyang Yuchengco at dayuhang kumpanyang Samsung C&T.

May natatanging estratehikong posisyon ang Sangley Point sa bukana ng Manila Bay. Malapit ito sa Metro Manila habang may direktang ruta tungo sa South China Sea. Inihahanda ng US ang paliparan para mabilis itong makaangkop bilang forward operating base ng mga tropa at gamit militar.

AB: Paliparan sa Cavite, bubuhayin para sa gamit-militar ng US