Palpak na serbisyo ng Primewater sa Bulacan, kinundena ng mga progresibong grupo
Naglunsad ng press conference at noise barrage ang iba’t ibang grupo noong Abril 25 upang kundenahin ang palpak na serbisyong tubig ng Prime Water sa San Jose Del Monte City (SJDM). Pinangunahan ang protesta ng People’s Rights Network at lumahok ang Alliance for Consumer’s Protection (ACP), Water for the People Network (WPN), Koalisyong Makabayan, Gabriela Women’s Party-list, Bayan Muna Party-list, Kabataan Party-list, Migrante Philippines, at iba ’t ibang lokal na samahan sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon sa mga grupo, magmula nang maitatag ang joint venture o sosyohan ng Prime Water at ng San Jose Del Monte Water District noong 2018, kabi-kabila na ang naging problema ng mga residente ng SJDM sa serbisyo sa tubig. “Tubig o tulog” ang pinagpipilian araw-araw ng mga residente ng SJDM, kung sila ba ay pipila magdamag para makapag-igib ng baldeng tubig para may gagamitin buong araw o matulog at magtiis sa walang tubig kinabukasan. Maliban sa madalang na daloy ng tubig, marumi at hindi pwedeng inumin ang tubig, at napakamahal ng kanilang bayarin sa serbisyo.
Nanawagan sila na itigil ang pribatisasyon sa serbisyo sa tubig sa SJDM at sa lahat ng distrito at munisipalidad sa buong bansa, itakwil ang mapaminsalang joint venture agreement at public private partnership sa mga ganid sa kapangyarihan at pera na mga oligarkiya. Nanawagan din sila sa mga botante na huwag iboto ang mga kandidato na imbwelto at nauugnay sa pribatisasyon at mga maka-kapitalista na polisiya na “nagpayaman lamang sa iilan sa kapinsalaan ng mayorya na mahihirap na konsyumer.”
Tungo rito, inihapag ng mga grupo ang kanilang mga panawagan: Una, ibalik sa local water district ang pangangasiwa at operasyon ng tubig sa SJDM; ikalawa, maglaan ang pamahalaan ng sapat na trabaho at kabuhayan para sa mga taga-San Jose, ang mga lokal na industriya at palawakin ang suporta sa maliliit at katamtamang-laking negosyo at paunlarin ang agrikultura upang lumikha ng sapat na trabaho at kabuhayan ang mga San Joseno; at, ikatlo, tutulan ang pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural at isulong ang katiyakan sa pagkain ng bayan.
Ang PrimeWater Infrastructure Corporation ay kumpanyang pag-aari ng malaking burgesyang komprador na pamilyang Villar.
Sa buong Pilipinas, umabot na sa 161 water district mula sa mga syudad at munisipalidad ang kontrolado ng PrimeWater sa pamamagitan ng mga joint venture agreements. Tulad ng SJDM, samutsari ring reklamo ang kinakaharap ng kumpanya dahil sa palpak na serbisyo.