Pambansang araw ng protesta para sa karapatan, kagalingan at kalayaan ng sambayanang Pilipino, inilunsad sa US
Naglunsad ng pambansang araw ng protesta ang mga demokratikong organisasyon sa US, kabilang ang Anakbayan, Bayan, Migrante, GABRIELA, ICHRP, Malaya at Tanggol Migrante at mga alyadong organisasyon noong Mayo 23 sa iba’t ibang panig ng US. Panawagan nila: Magkaisa at Magbikgis, Sama-samang lumaban para sa karapatan, kagalingan at kalayaan. Naglunsad sila ng piket-protesta sa labas ng mga upisina ng Philippine Consulate sa Chicago, Illinois, Los Angeles, California at San Francisco, California, sa labas ng Philippine Embassy sa Washinton, DC at sa labas ng North West Detention Center sa Tacoma, Washington.
Panawagan ng mga organisasyon ang serbisyo para sa mga nakadetine na mga Pilipino sa mga detention center mula sa konsulado at embahada ng Pilipinas, agarang pagpapalaya sa lahat ng nakadetine na mga Pilipino at tutulan ang di-makataong pagtugis ng rehimeng Trump sa mga migranteng mangagawa sa US. Nanawagan din sila ng totoong pananagutan mula sa embahada ng Pilipinas. Panawagan nila sa ambasador ng Pilipinas sa US na si Jose Romualdez, gawin niya ang kanyang tungkulin o umalis na lamang siya sa pwesto.
Naglunsad ng programa ang Tanggol Migrante sa labas ng Tacoma NW Detention Center kung saan nakaditine sina Maximo londorio, Rodante “Dante” Rivera at Lewellyn Dixon. Kasama sa aktibidad ang mga pamilya nila Londorio at Rivera, mga alyadong organisasyon tulad ng Tacoma Democratic Socialist of America, IAM Union na unyon ni Londorio, grupong La Resitencia, SEIU 925 na unyon ni Dixon, Washinton State Labor Council, International Migrants Alliance at United Methodist Church. Nagpahayag naman ng supporta ang unyon na Teamster117 sa laban ng mga migranteng Pilipino.
“Nung unang beses akong nagsalita sa press conference, pakiramdam ko durog ako, hindi ko alam ano gagawin, pero dahil sa suporta ng kanyang unyon at ng Tanggol Migrante, pinalakas nila ang loob ko para makatulong din ako sa iba, gusto ko nang makauwi ang asawa ko, kailangan siya ng mga anak namin at lalaban ako para mangyari ito,” pahayag ni Crystal, asawa ni Londorio sa programa.
Kasabay ng araw ng protesta, nagmungkahi ng dialogo ang Tanggol Migrante sa Embahada ng Pilipinas sa US upang talakayin ang karaingan ng mga Pinoy na migrante.
Pinabulaan ng Tanggol Migrante ang paratang ng Embahada ng Pilipinas sa di ito sinsero na makapagdayalogo sa mga upisyal ng embahada dahil lamang naglunsad ito ng protesta kasabay ng nakaplanong pulong.
“Laging malinaw ang mga panawagan ng Tanggol Migrante at sinsero sa aming pagsisikap na matiyak na dapat magkaroon ng pananagutan ang gubyerno ng Pilipinas at gawin nito ang kanyang tungkulin. Sa halip na gawin ang inyong responsibilidad, pinili ninyong ipagtanggol ang inyong mga sarili at umiwas sa usapin. Habang pinagtatanggol ninyo ang inyong mga ego, sina Aunt Lyn, Max, Ligaya, and iba ay nananatiling nasa panganib.”
“Ang pagprotesta ay ating demokratikong karapatan. Nagsasalita kami dahil ang inyong katahimikan ay marami ang ipinapahiwatig. Ang tugon ng embahada ay nagpapakita na ang ating mga protesta at pag -oorganisa ay gumagana at ang inyong kawalan ng aksyon ang nagdala sa amin dito. Habang ang gubyerno ng Pilipinas ay nagpapatuloy sa pagpapabaya at pag-abandona sa mga migranteg Pilipino na nangangailangan ng tulong, ang Tanggol Migrante Network katuwang ang mga Pilipinong organisasyons sa komunidad sa buong bansa ay patuloy na magpoprotesta” pahayag Tanggol wika sa pahayag ng Embahada ng Pilipinas.